223 PWDs sa Tandubas, Tawi-Tawi, Napagkalooban ng Ayudang Pinansyal mula sa MSSD

(Larawan mula sa MSSD-BARMM

COTABATO CITY (Ika-15 ng Oktubre, 2025) — Umabot sa 223 na indibidwal na may kapansanan mula sa bayan ng Tandubas, Tawi-Tawi ang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa isinagawang payout noong ika-13 ng Oktubre 2025.

Ang nasabing aktibidad ay ginanap sa Old Municipal Multipurpose Hall sa Silantup, Tandubas at isinagawa sa ilalim ng programang “Kalinga Para sa may Kapansanan,” na naglalayong magbigay ng direktang suporta sa mga persons with disability (PWDs) sa rehiyon.

Bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng halagang PHP 3,000, na maaring gamitin para sa kanilang pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, gamot, at iba pang gastusing medikal o pang-araw-araw. Layunin ng MSSD na mapagaan ang pasanin ng mga PWDs sa pamamagitan ng regular na ayudang pinansyal.

Ayon sa MSSD, ang naturang payout ay bahagi lamang ng serye ng distribusyon ng tulong sa mga piling lugar sa BARMM. Nakatakda ring ipagpatuloy ang pamamahagi ng ayuda sa Tandubas sa darating na Oktubre 17, 2025, upang maabot ang iba pang benepisyaryo na hindi pa naisama sa unang batch.

Ang “Kalinga Para sa may Kapansanan” ay isang flagship program ng MSSD na inilunsad noong taong 2020. Layunin nitong mabigyan ng pantay na pagkakataon ang mga PWDs sa rehiyon sa pamamagitan ng sistematikong tulong pinansyal at serbisyong panlipunan.

Kinikilala ng programa ang kahalagahan ng inklusibong serbisyong panlipunan, at layong mapalakas ang kakayahan ng mga taong may kapansanan upang sila ay makapamuhay nang may dignidad at kaakibat na suporta mula sa pamahalaan ng BARMM.

Patuloy ang panawagan ng MSSD sa mga kwalipikadong indibidwal na magparehistro at makipag-ugnayan sa kanilang mga municipal social welfare offices upang maging bahagi ng programa at makamit ang karampatang benepisyo para sa kanilang kalagayan. (Hannan G. Ariman, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Board Member Nando, Nanawagan ng Agarang Pagpapatupad ng ng People’s Law Enforcement Board sa Maguindanao del Sur
Next post Vice Governor Nando, Pinangunahan ang courtesy visit sa LGU ng Datu Paglas MDS