BARMM, Kaagapay ang UNIDO at EU sa Pagsulong ng Kalidad at Sertipikasyon sa Pagkain

(Larawan mula sa MAFAR-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-6 ng Oktubre, 2025) – Pinangunahan ng United Nations Industrial Development Organization (UNIDO) at ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang isang forum na nagtipon sa mga magsasaka, food producers, at mga tagapagpatupad ng regulasyon upang ilatag ang roadmap para sa food safety at Halal certification sa rehiyon.

Layon ng forum na ito na tulungan ang mga lokal na food producers ng Bangsamoro upang makakonekta sa mga eksperto sa merkado at mga ahensyang nagbibigay ng sertipikasyon, nang sa gayon ay matugunan ang mga pamantayang pangmerkado at mapalakas ang kompetisyon ng agribusiness ng rehiyon.

Halos 150 magsasaka at food processors ang nabigyan ng sunud-sunod na gabay ukol sa pagkuha ng lisensya mula sa Food and Drug Administration (FDA) at National Meat Inspection Service (NMIS), rehistro ng produkto, at Good Manufacturing Practices (GMP).

Karamihan sa mga kalahok ay mula sa mga isla-probinsiya ng Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi (BaSulTa), gayundin mula sa sektor ng Halal at pribadong sektor sa buong Bangsamoro.

Ayon kay MAFAR Minister Abunawas Maslamama, napakahalaga ng pagpapalawak ng kaalaman hinggil sa Halal at food safety certification:

“Ito ay tungkol sa pagpapalakas ng kultura ng kalidad sa BARMM at pagbubukas ng pinto para sa ating mga produkto sa mas malawak na pamilihan – hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa rehiyon ng BIMP-EAGA,” pahayag ni Maslamama.

Sa forum na ito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na simulan ang proseso ng sertipikasyon para sa food safety, kalidad, at Halal standards — isang mahalagang unang hakbang para sa marami patungo sa legal na pagpasok sa merkado at mas mataas na tiwala ng mga mamimili.

Ayon kay Muslimin Salih, tagapangulo ng Magungaya sa Langgapanan Farmers and Fisherfolks Marketing Cooperative sa Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur:

“Nakita namin na ang sertipikasyon ay hindi lang basta rekisito – ito ang susi para makapasok kami sa mas malalaking merkado at mapagkakatiwalaan ang aming mga produkto.”
Dagdag pa niya, napawi ang kanilang takot at pagkalito sa proseso ng Halal at FDA certification matapos ang mga sesyon.

“Ngayon, nakita namin ang oportunidad para sa aming marinated dalag, carp, tilapia at iba pang produkto na makarating sa mga lokal at internasyonal na merkado,” dagdag ni Salih.

Bukod dito, tinalakay rin sa mga teknikal na sesyon ang mga hakbang para sa licensing, product registration, at mga pamantayang pangkalinisan (sanitary standards).

Pinuri ng MAFAR ang European Union sa pagsuporta sa inisyatibong ito sa pamamagitan ng proyektong “Inclusive Agribusiness Development for Human Security”. Ang European Union Bangsamoro Agri-Enterprise Programme (EU-BAEP) ay bahagi ng pangmatagalang suporta ng EU para sa kapayapaan at inklusibong kaunlaran sa BARMM.

Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa mga pangunahing ahensya ng Bangsamoro tulad ng Ministry of Science and Technology (MOST), Ministry of Trade, Investments, and Tourism (MTIT), Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA), at ang Bangsamoro Business Council (BBC), na lahat ay nagpahayag ng suporta upang gawing mas abot-kaya ang sertipikasyon para sa mga MSME sa rehiyon.

Ayon kay Pendatun Patarasa, MAFAR Director General for Fishery Services:

“Ang Halal certification ay parang pasaporte para sa regional at international markets. Kasama ang EU at UNIDO, tutulungan natin ang ating mga kooperatiba upang matiyak na makakamit nila ang global standards at mailagay ang kanilang produkto sa tamang lugar sa kalakalan.”

Tiniyak naman ni Mechelle Ann Lamata-Cea, FDA Food-Drug Regulation Officer, ang tulong ng ahensya para sa mga Bangsamoro MSMEs na nagnanais magpa-lisensya at bumuo ng matatag na kultura ng food safety.

“Alam namin ang hamon na hinaharap ng MSMEs pagdating sa regulasyon. Kaya’t kami ay nakikipagtulungan sa UNIDO, EU, at mga ministeryo ng BARMM upang gawing mas simple, malinaw, at abot-kaya ang proseso ng sertipikasyon,” ani Cea.

Sa kasalukuyan, patuloy ang teknikal na suporta ng UNIDO sa mga proseso ng sertipikasyon para sa baka, kambing, manok, seaweed, at processed sardines — bahagi ng pagpapalakas sa Halal sector ng BARMM at pagbibigay-daan sa mas maraming oportunidad para sa mga lokal na producer. (BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post PLGU Maguindanao del Sur Supports the Gulayan sa Paaralan Program in Talitay
Next post Mahigit 800 Kalahok ng MBHTE, Sumailalim sa 3-Day Accreditation Program para sa Technical Officials ng BARMAA 2026