Governor Midtimbang ng MDS, Naghatid ng Pag-asa at Pagsusulong ng Adbokasiya sa Kalinisan sa mga Mag-aaral ng Talitay Elementary School

(Larawan mula sa FB Page ni Governor Datu Ali “Datu sa Talayan”
Midtimbang)

COTABATO CITY (Ika-3 ng Oktubre, 2025) — Sa pamumuno ni Gobernador Datu Ali M. Midtimbang ng Maguindanao del Sur, ay na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur (MDS) ang isang Convergence Activity sa ilalim ng Cluster H ng programang GIVE HEART Agenda noong Oktubre 1, sa Talitay Elementary School, bayan ng Buluan.

Isa sa mga tampok ng aktibidad ang Water, Sanitation, and Hygiene (WaSH) Program, na layuning ituro at linangin ang tamang gawi sa kalinisan sa murang edad ng mga mag-aaral. Pinangunahan ng Rural Health Unit (RHU) ang isang masigla at makabuluhang demonstrasyon sa tamang paraan ng paghuhugas ng kamay, kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng kalinisan sa pag-iwas sa sakit at sa pangkalahatang kalusugan.

Bilang suporta sa adhikain na ito at upang hikayatin ang araw-araw na kalinisan sa mga mag-aaral, namahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng hygiene kits para sa mga mag-aaral ng kindergarten at Grade 1. Namigay rin sila ng mga bag at food packs para sa mga estudyante, at mga kagamitan sa pagtuturo para sa mga guro.

Dumalo rin sa nasabing aktibidad ang ilang mga lokal na opisyal mula sa LGU-Buluan, kabilang sina Municipal Administrator Bai Nicole Malabanan, SB Members Bai Ramla M. Kadalim at Datu Akbar Piang, ABC President Bai Jennah M. Lumawan, at Punong Barangay Al-Thani Mangudadatu ng Talitay. Ipinakita ng kanilang presensya ang matibay na pagtutulungan ng pamahalaan at komunidad sa pagsusulong ng edukasyon at pampublikong kalusugan.

Bilang karagdagang suporta sa WaSH program, nag-donate ng dalawang toilet bowl para magamit sa paaralan at nagtayo rin ng isang WaSH facility na gawa sa bakal. Ang mga hakbang na ito ay nakaangkla sa adbokasiya na hango sa turo ng Propeta Muhammad (SAW
“Ang Kalinisan ay Kalahati ng Imaan”, na nagpapakita ng kahalagahan ng kalinisan bilang isang mahalagang halaga sa edukasyon at kalusugan ng pamayanan.

Nagtapos ang aktibidad sa isang masayang raffle draw, na nagdulot ng kasiyahan sa mga estudyante, guro, magulang, at mga opisyal ng barangay. Napuno ng tawanan at ngiti ang paligid, patunay sa tagumpay ng programa – hindi lamang sa pagpapalaganap ng kamalayan sa kalusugan, kundi pati na rin sa pagpapatibay ng diwa ng bayanihan at suporta sa edukasyon.

Sa pamamagitan ng ganitong makabuluhang inisyatibo, patuloy na tinatahak ng Pamahalaang Panlalawigan ang landas ng pagkakaisa, pagbabago, at pag-unlad ng Maguindanao del Sur – isang bata, isang paaralan, at isang barangay sa bawat hakbang. (BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post LBO, Suportado ang UBJP sa First 2026 BARMM Parliamentary Elections