
LBO, Suportado ang UBJP sa First 2026 BARMM Parliamentary Elections

COTABATO CITY (Ika-3 ng Oktubre , 2025) — Suportado ng League of Bangsamoro Organizations (LBO) ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) para sa nalalapit na kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong Marso 2026, ito ang inihayag ni Prof. Hashim B. Manticayan, Presidente ng LBO, sa ikalawang episode ng talk show campaign program ng UBJP na isinagawa sa Bangsamoro Multimedia Network, Inc. araw ng Huwebes.
Ang LBO ay isang malawak na samahan na binubuo ng iba’t ibang sektor, kabilang ang mga kooperatiba, people’s organizations, non-government organizations (NGOs) at iba pang grupo mula sa loob at labas ng BARMM. Sa kasalukuyan, mayroong 632 civil society organizations (CSOs) na miyembro ng LBO at higit 70 pang samahan ang nasa proseso ng pagiging kasapi. Layunin ng organisasyon na mapanatili ang kapayapaan at mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan sa rehiyon.
Sa talakayan, tampok na binigyang-diin ang malaking papel ng CSOs sa pagsusulong ng kapayapaan, pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), at pagbibigay kaalaman sa mamamayan hinggil sa kahalagahan ng kauna-unahang parliamentary election. Ayon kay Prof. Manticayan, “Hindi magiging matagumpay ang ano mang usaping pangkapayapaan kung wala ang civil society.”
Dagdag pa niya, dahil abala ang mga lider ng gobyerno sa pagpapatakbo ng pamahalaan, kadalasan ay may mga probisyon ng CAB na hindi naipatutupad. Ang kakulangang ito aniya ay pinupunan ng mga CSOs bilang tagamasid at katuwang sa implementasyon ng kasunduang pangkapayapaan. Isa rin sa kanilang inisyatiba ang Voter’s Education Program upang maunawaan ng mamamayan ang kahalagahan ng eleksyon at mahikayat silang makilahok sa proseso.
Gayunpaman, nagpahayag si Prof. Manticayan ng pangamba ukol sa posibilidad ng hindi matuloy ang eleksyon sa Oktubre 13, 2025. Aniya, maaaring mabawasan ang tiwala ng mga Bangsamoro sa pamahalaan dahil sa paulit-ulit na pagbabago ng desisyon hinggil sa halalan at ilang hindi naisakatuparang probisyon ng CAB.
“Nagkakaroon ng kalituhan ang mga taong bayan dahil sa desisyon ng gobyerno na pabago-bago,” ani Manticayan. Dagdag pa niya, maaaring ma-question ang sinseridad ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga kasunduan.
Sa kabila nito, mariing ipinaabot ng LBO ang kanilang full support sa UBJP, ang partidong politikal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Binigyang-diin ni Manticayan na nararapat lamang na magkaroon ng majority seats ang UBJP upang pangunahan ang pagpapatakbo ng regular na gobyerno ng Bangsamoro.
“Sa UBJP lamang nakikita ang lideratong tunay na may malasakit sa taong bayan,” aniya. Itinuring pa niya ang pagsuporta sa UBJP bilang pagpapatuloy ng jihad—isang bunga ng armadong pakikibaka. “Ang jihad natin ngayon ay kung susuportahan natin ang UBJP,” punto nito.
Nanawagan din siya sa mga mamamayan na pagtibayin ang kanilang determinasyon sa pagsusulong ng kapayapaan at iwasang maulit ang armadong tunggalian. “Okay lang maulanan, okay lang maarawan, okay lang ilang beses tayong gumawa ng position papers. Mas madali po yun kaysa magkaroon tayo ulit ng panibagong kaguluhan bunga ng hindi pagtupad,” wika ni Prof. Manticayan. (Norhainie S. Saliao, BMN/BangsamoroToday)