Paglilingkod na Malaya sa Kasakiman, Hambog, at Inggit: Susi sa Patuloy na Kaunlaran ng Maguindanao del Norte — ICM Macacua

(Larawan mula sa FB Page ni Abdulraof A. Macavia)

COTABATO CITY (Ika-1 ng Oktubre, 2025) — Sa pagdiriwang ng Ikatlong Anibersaryo ng pagkakatatag ng Maguindanao del Norte, muling pinagtibay ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof A. Macacua ang kahalagahan ng pagkakaisa at ang pagiging mapagpakumbaba sa paglilingkod upang maitaguyod ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng probinsya. Ayon sa kanya, ang ganitong uri ng serbisyo ang pundasyon ng isang maunlad at matatag na pamayanan.

Ang tema ng selebrasyon ngayong taon, “Rooted in Heritage, Rising in Unity,” ay sumasalamin sa pagpapahalaga ng mga mamamayan sa kanilang kultura at kasaysayan habang nagsisikap na magkaisa para sa isang mas maliwanag na kinabukasan. Pinuri ni Macacua ang mga natamong tagumpay ng probinsya mula noong ito’y nabuo, na siyang patunay ng sama-samang pagsisikap ng mga tao at lider nito.

Bilang unang gobernador ng Maguindanao del Norte mula 2023 hanggang Pebrero 2025, pinangunahan ni Macacua ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at kawani upang maihatid ang mga serbisyo, programa, at mga proyekto sa imprastruktura na nakatulong nang malaki sa bawat munisipyo sa probinsya. Aniya, ang mga nagawa ay bunga ng matiyagang pagtutulungan at dedikasyon.

Ngunit hindi rin itinanggi ni Macacua ang mga hamon na kinaharap sa pamumuno, kabilang na dito ang mga negatibong salik tulad ng kasakiman, kahambugan, at inggit. Tinawag niya ang mga ito bilang “mga kalaban ng pagkakaisa” na kailangang labanan upang mapanatili ang pagkakaisa at maipagpatuloy ang pag-unlad.

Sa kanyang panawagan, hinimok niya ang mga lider na mamuno nang may integridad, kredibilidad, at tunay na malasakit sa mga tao. Ipinunto niya na mahalaga ang pakikinig sa mga pangangailangan ng komunidad at ang paglalagay ng kapakanan ng nakararami sa ibabaw ng pansariling interes.

Binigyang-diin din ni Chief Minister Macacua na hindi dapat pumili ng kaginhawaan ang mga pinuno at hindi dapat magpadala sa mga hidwaan.

Aniya, ang paglalakbay patungo sa pagbabago ay hindi laging madali, kaya kinakailangan ang pagtitiyaga at pagkakaisa upang malampasan ang mga pagsubok.

Bilang pagtatapos ng kanyang mensahe, nag-iwan si Macacua ng malakas na paalaala: “Do not choose comfort, do not give in to division, and do not stop when the journey becomes difficult.” Ang mga salitang ito ay nagsisilbing inspirasyon para sa lahat na patuloy na maglingkod nang buong puso para sa kapakanan ng Maguindanao del Norte. (Hannan G. Ariman, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post 75 Libreng Pabahay, Itatayo para sa mga Mahihirap na Cotabateño sa 2025 — MHSD
Next post Gov. Midtimbang, Nag-alok ng ₱100K Pabuya para sa Ikadarakip ng Pumatay sa Katutubong Teduray sa Datu Hoffer