Cong. San Fernando, Kinuwestyon ang PDP Midterm Report ukol sa Implementasyon ng Kasunduang Pangkapayapaan sa Pagitan ng MILF at Pamahalaan

(File photo ng BMN/BangsamoroToday)

COTABATO CITY (Ika-23 ng Setyembre, 2025) — Kinuwestyon ni Congressman Elijah San Fernando ang bahagi ng Philippine Development Plan (PDP) Midterm Update kaugnay sa usaping “Ensure Security and Peace”, partikular ang ulat na nagsasaad ng “complete the implementation of all signed peace agreements” sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng Pamahalaan ng Pilipinas.

Sa isinagawang pagdinig ukol sa badyet ng Mababang Kapulungan nitong Huwebes, Setyembre 25, hiniling ng kongresista ang paglilinaw sa ibig sabihin ng nasabing pahayag. Ayon kay San Fernando, kailangang tukuyin kung ang tinutukoy bang “completo” ay ang aktwal na pagpapatupad ng lahat ng probisyon sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) — gaya ng decommissioning ng mga combatants, mga programang pangkabuhayan, at transitional justice — o kung tumutukoy lamang ito sa pormal na paglagda ng mga kasunduan.

“Kung totoong tapos na ang implementasyon, bakit may mga malaking puwang pa rin, lalo na sa usapin ng paghahatid ng kabuhayan at reintegration program para sa mga dating combatants?”, tanong ng mambabatas.

Sa kanyang tugon, sinabi ng kinatawan mula sa Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPPAPRU) na mayroong “makabuluhang pag-unlad” sa parehong normalization at political track ng kasunduan. Nilinaw rin ng ahensya na ang nakasaad sa PDP ay bahagi lamang ng mga target o layunin, ngunit iginiit ni San Fernando na kung ito ay target pa lamang, hindi ito dapat inilalarawan bilang “completed” sa Midterm Update.

Binigyang-diin din ng kongresista ang isyu ng disbandment ng mga private armed groups, na isa sa mga pangunahing bahagi ng Annex on Normalization. Aniya, batay sa mga ulat mula sa ground, tila mas nakatuon lamang ang proseso sa decommissioning ng MILF combatants, habang nananatiling hindi malinaw ang aksyon ng gobyerno laban sa mga pribadong armadong grupo sa rehiyon.

Dagdag pa ni San Fernando, ipinatigil ng MILF ang decommissioning ng natitirang combatants dahil umano sa hindi pagtupad ng pamahalaan sa ilang bahagi ng kasunduan. Samantala, ayon sa OPPAPRU, natigil ang proseso noong 2023 dahil sa kakulangan ng listahan ng mga combatants mula sa MILF. Subalit giit ng kongresista, may mga ulat na nagsasabing ang pagtigil ng proseso ay bunsod ng kabiguan ng gobyerno na tuparin ang iba pang mga kasunduan.

Sa kabila nito, tiniyak ng OPPAPRU na patuloy ang gobyerno sa kanilang layuning maisakatuparan ang buong normalization process. “The government will continue to hold open and substantial talks with the MILF to complete the normalization process,” pahayag ng ahensya.

Nagpahayag din ng pangamba si San Fernando ukol sa mga ulat mula sa ground na nagsasabing nawalan na ng tiwala ang MILF sa OPPAPRU. “Kung ganito ang pananaw, paano natin masisiguro ang matatag at makabuluhang dayalogo upang maisara ang prosesong pangkapayapaan?”, aniya.

Bukod pa rito, binanggit din ng kongresista ang mga hinaing mula sa mga komunidad ukol sa ibang bahagi ng kasunduan, kabilang ang umano’y hindi pagsunod sa tamang proseso sa pagpili ng mga miyembro ng Bangsamoro Parliament, at ang kabiguan sa pagpapatupad ng mga socio-economic program para sa mga dating combatants. (Norhainie S. Saliao, BMN, BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post LENTE, Nanawagan sa COMELEC na Ituloy ang 2025 BARMM Parliamentary Elections
Next post Maguindanao del Sur LGU, Suportado ang ‘Young Mothers’ sa Lalawigan