OOBC, Tinalakay ang Papel ng Policy Research sa Ikalawang Season ng “Bangsamoro Ka, Saan Ka Man” Talk Show

(Larawan kuha ng BMN/BangsamoroToday)

COTABATO CITY (Ika-25 ng Setyembre, 2025) – Tinalakay ng Office for Other Bangsamoro Communities (OOBC) sa ikalawang season ng kanilang talk show na “Bangsamoro Ka, Saan Ka Man” ang kahalagahan ng Policy Research nitong Huwebes, sa pakikipagtulungan ng Bangsamoro Multimedia Network (BMN) at iba pang opisyal na plataporma ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa episode na ito, tampok ang temang “The Role of Policy Research in Performing OOBC’s Mandate” na naglalayong ipaliwanag ang kahalagahan ng pananaliksik sa paggawa ng mga polisiya bilang bahagi ng mandato ng OOBC sa pagseserbisyo sa mga Bangsamoro na nasa labas ng rehiyon ng BARMM.

Panauhing tagapagsalita si Fairodz P. Taalim, LPT, MBA, isang Development Management Officer V mula sa Center of Research and Policy Development ng Development Academy of the Bangsamoro (DAB). Tinalakay niya ang mga proseso at mekanismo ng policy research na ginagamit upang matukoy ang mga pangangailangan at layunin ng mga komunidad ng Bangsamoro na matatagpuan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon kay Taalim, “Ang masinop at makabuluhang pananaliksik ay pundasyon sa paggawa ng mga polisiyang tunay na tumutugon sa konteksto ng mga Bangsamoro sa labas ng BARMM. Sa pamamagitan nito, mas naipaparating sa pamahalaan ng Bangsamoro ang tinig at karanasan ng ating mga kapatid na nasa ibang rehiyon.”

Binigyang-diin din sa programa ang patuloy na mandato ng OOBC sa ilalim ng Office of the Chief Minister (OCM) ng BARMM na palakasin ang ugnayan at serbisyo para sa mga Bangsamoro communities sa labas ng rehiyon. Ilan sa kanilang mga pangunahing inisyatibo ay ang community engagement, socio-economic support, at participatory policy-making.

Layunin ng programang “Bangsamoro Ka, Saan Ka Man” na magsilbing plataporma ng impormasyon, talakayan, at interaksyon upang mapalalim ang kamalayan at partisipasyon ng mga Bangsamoro sa labas ng BARMM sa mga programang inihahandog ng kanilang pamahalaan.

Ang nasabing talk show ay bahagi ng mas malawak na inisyatibo ng OOBC na itaguyod ang transparency, inclusive governance, at data-driven policies bilang mahalagang sangkap ng sustainable na kaunlaran para sa mga Bangsamoro. (Hannan G. Ariman, Norhainie S. Saliao, at Noron M. Rajabuyan, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Kapayapaan, Kalamidad, at Paparating na Eleksiyon, Tinalakay sa 3rd Quarter Joint RPOC-BDRRMC Meeting sa Cotabato City
Next post COMELEC, Inihayag ang Kasalukuyang Estado ng Bangsamoro Parliamentary Elections