
Kapayapaan, Kalamidad, at Paparating na Eleksiyon, Tinalakay sa 3rd Quarter Joint RPOC-BDRRMC Meeting sa Cotabato City

COTABATO CITY (Ika-25 ng Setyembre, 2025) — Pinangunahan ni Bangsamoro Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim Abdulraof Macacua ang 3rd Quarter Joint Meeting ng Regional Peace and Order Council (RPOC) at Bangsamoro Disaster Risk Reduction and Management Council (BDRRMC) na ginanap ngayong Miyerkules sa lungsod ng Cotabato.
Dinaluhan ang pagpupulong ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, mga ministro ng BARMM, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at iba pang mga sektor na katuwang sa seguridad at disaster response sa rehiyon.
Tinalakay sa pagpupulong ang kasalukuyang estado ng kapayapaan at kaayusan sa BARMM, kabilang ang mga datos sa crime rate, kampanya laban sa iligal na droga, at ang epekto ng mga kamakailang pagbaha at kalamidad sa iba’t ibang komunidad.
Isa sa mga pangunahing paksa ng talakayan ay ang paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) para sa nalalapit na BARMM Parliamentary Elections na inaasahang isasagawa sa taong 2025.
Masusing pinakinggan ni Chief Minister Macacua ang mga ulat at rekomendasyon mula sa iba’t ibang ahensya, at nagbahagi rin siya ng mga mungkahi upang matugunan ang mga hamon na kinahaharap ng rehiyon. Ayon sa kanya, mahalaga ang bukas na konsultasyon sa lahat ng sektor upang matiyak ang maayos na pamamahala at epektibong pagtugon sa mga isyu ng seguridad, krimen, at kalamidad.
Binigyang-diin din ng Punong Ministro na ang mga ganitong pagpupulong ay nagsisilbing plataporma para sa pagbabahagi ng mahahalagang datos at accomplishments ng mga ahensya—na siyang nagiging batayan sa paggawa ng mga polisiya at kaukulang aksyon ng pamahalaan.
Tiniyak naman ni Chief Minister Macacua na magpapatuloy ang konsultatibong pamumuno ng BARMM upang mapanatili ang kapayapaan at kahandaan ng rehiyon, lalo na sa harap ng nalalapit na halalan at mga posibleng sakuna. (Hannan G. Ariman, BMN/BangsamoroToday)