
Pamilya sa BARMM SGA na Apektado ng Baha, Nakatanggap ng Tulong mula sa MSSD

COTABATO CITY (Ika-22 ng Setyembre, 2025) — Agarang nagsagawa ng validation ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) para sa mga pamilyang apektado ng pagbaha sa mga barangay ng Nabundas at Fort Pikit sa bayan ng Malidegao, Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), noong Setyembre 19.
Batay sa ulat ng MSSD Malidegao Municipal Field Unit, humigit-kumulang 150 pamilya mula Sitio Tuka, Barangay Nabundas ang lumikas at pansamantalang nanunuluyan ngayon sa Barangay Batungkayo, Datu Montawal.
Samantala, higit 20 pamilya mula sa Fort Pikit at Batulawan ang inilikas patungo sa Sitio Proper I upang makaiwas sa panganib ng patuloy na pagtaas ng tubig-baha.
Ayon kay Johara Kagui, Municipal Social Welfare Officer ng Malidegao, layunin ng isinagawang validation na matukoy ang eksaktong bilang ng mga apektadong pamilya at agarang malaman ang kanilang pangunahing pangangailangan.
Bilang paunang tugon, magbibigay ang MSSD ng mga food at non-food items gaya ng family food packs, sleeping kits, hygiene kits, at water kits upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga evacuees.
Patuloy rin ang mahigpit na monitoring ng MSSD, katuwang ang iba’t ibang ahensya at ang lokal na pamahalaan, upang masigurong matutugunan ang iba pang pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
Samantala, ang halos walang tigil na pag-ulan nitong mga nakaraang araw ang sanhi ng pagbaha sa Malidegao, isa sa mga low-lying areas sa rehiyon. (BMN/BangsamoroToday)