
11 Panukalang Kabataan sa Bangsa Youth Parliament Academy, Sinang-ayunan ng mga Lider-Kabataan mula sa BARMM

COTABATO CITY (Ika-20 Ng Setyembre, 2025) — Matagumpay na na-adopt ng mga lider-kabataan mula sa Maguindanao, Cotabato City, at mga Special Geographic Areas (SGA) ang 11 youth-centered na panukalang batas sa pagtatapos ng Bangsa Youth Parliament Academy (BYPA) noong Biyernes, Setyembre 19, sa lungsod na ito.
Ang limang-araw na programa, na isinagawa mula Setyembre 15 hanggang 19, 2025, ay bahagi ng pagsasanay na inilunsad ng Bangsamoro Youth Commission (BYC) – Maguindanao, kasama ang Cotabato City at SGA, na naglalayong ihubog ang kaalaman ng mga kabataan sa proseso ng lehislasyon at paggawa ng mga polisiya.
Tinalakay at binigyang-diin sa mga na-adopt na panukala ang mga isyu sa edukasyon, kalusugan, kapayapaan, proteksyong panlipunan, shariah, at aktibong pagkamamamayan — mga pangunahing isyung hinaharap ng kabataang Bangsamoro.
Mahigit 50 kabataang lider ang lumahok sa pagsasanay na ginaya ang aktwal na proseso sa loob ng isang lehislatibong institusyon, kung saan natutunan nila ang paggawa, pagsusuri, at pag-apruba ng mga panukalang batas.
Naging posible ang pagsasagawa ng BYPA sa pakikipagtulungan ng Integrated Democracy and Development for Meaningful Progress, Inc. (IDDMP) at Konrad-Adenauer-Stiftung (KAS) Philippines, sa suporta ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Transitional Development Impact Fund. (BMN/BangsamoroToday)