Lokal na Bayani ng Agrikultura sa BARMM, Itinampok sa BSP-EFLP

(Larawan kuha ni Faydiyah S. Akmad, BMN/BangsamoroToday)

COTABATO CITY (Ika-19 ng Setyembre, 2025) — Itinampok ang kwento ng tagumpay ng isang lokal na bayani sa sektor ng agrikultura sa Bangsamoro sa ginanap na Economic and Financial Learning Program (EFLP) ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong Setyembre 17 sa Al-Nor Hotel and Convention Center, Cotabato City. Ang programa ay sabayang napanood online sa pamamagitan ng Zoom at PisoLit Facebook page.

Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ay ang presentasyon ng Al-Rahman Multipurpose Cooperative (AMC) na nakabase sa Sitio Dakamuya, Mamasapano, Maguindanao del Sur, sa pamamagitan ng kinatawan nitong si Mr. Rahib Mamaluba.

Kwento ng Kooperatibang Umunlad mula sa Sipag at Pagkakaisa

Ibinahagi ni Mamaluba ang kasaysayan at tagumpay ng kanilang kooperatiba—mula sa pagiging samahan ng 15 grupo ng corn farmers noong 1991, hanggang sa pagiging ganap na rehistradong kooperatiba noong Nobyembre 5, 1993. Noong 2020, naging bahagi ito ng Kilusan ng Samahang Magsasaka, na lalong nagbigay ng pagkilala at suporta sa kanilang inisyatiba.

Sa kanyang presentasyon, binigyang-diin ni Mamaluba ang mga pagsusumikap ng AMC at ang tulong mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Agrarian Reform (DAR), Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR-BARMM), at iba pang katuwang sa larangan ng agrikultura.

Makinarya, Produkto, at Proyektong Nakakapagpabago ng Buhay

Sa tulong ng mga katuwang na ahensya, nakapagmay-ari na ngayon ang kooperatiba ng mga kagamitang tulad ng rice thresher, harvester, training center, at iba pang makinarya na nakatulong nang malaki sa pagpapataas ng kanilang ani at kita.

Bilang bunga ng kanilang pagsisikap, nakapagtayo na rin ang AMC ng mga proyektong pangkabuhayan gaya ng: Well-Milled Rice,Organic Black Rice,Al-RiceMo at Iba’t ibang produktong pang-agrikultura na direktang nakatutulong sa kabuhayan ng kanilang mga miyembro.

Inspirasyon sa Kapwa Magsasaka

Ang kwento ng tagumpay ng Al-Rahman Multipurpose Cooperative ay nagsilbing inspirasyon sa kapwa Bangsamorong magsasaka, na sa kabila ng mga hamon, ay patuloy na nagsusumikap para sa mas maunlad at masaganang pamumuhay sa rehiyon.

Ang EFLP ng BSP ay isa sa mga pangunahing programa nito upang mapalawak ang kaalaman ng mga Pilipino pagdating sa ekonomiya, pananalapi, at kabuhayan, lalo na sa mga komunidad na malayo sa pangunahing sentro ng impormasyon at serbisyo. (Norhainie S. Saliao, BMN/Bangsamoro Today)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Bangsamoro TVET Association, Nagsagawa ng BARMM TVET Forum 2025