Economic and Financial Learning Program, Inilunsad para sa Sektor ng Agrikultura sa BARMM

(Larawan kuha ni Faydiyah S. Akmad, BMN/BangsamoroToday)

COTABATO CITY (Ika-18 ng Setyembre, 2025) – Isinagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang Economic and Financial Learning Program (EFLP) na may temang “Kaalaman Pinansyal para sa pAGRIsenso at Matatag na Kinabukasan”, na nakatuon sa pagpapalawak ng kaalaman sa sektor ng agrikultura sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Dinaluhan ito ng iba’t ibang ahensyang may kaugnayan sa agrikultura, tulad ng Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR), Ministry of Trade, Investments, and Tourism (MTIT), Bangsamoro Agri-Fishery Training Institute (BAFTI), at iba pang partner agencies. Layunin ng programa na talakayin ang mga pangunahing konsepto sa ekonomiya at tamang pamamahala ng pananalapi na makatutulong sa pagsulong ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa rehiyon.

Ginanap ang aktibidad sa Al-Nor Hotel and Convention Center sa Cotabato City. Pormal itong sinimulan noong Setyembre 17 at nagtapos ngayong araw, Setyembre 18.

Sa unang araw ng programa, tinalakay ang mga paraan kung paano magsimula at magpalago ng agri-negosyo, mga opsyon sa pagpopondo gaya ng pautang mula sa pamahalaan, at kung paano makalahok sa mga umiiral na programa. Ipinaliwanag din ang mga hakbang upang maging bahagi ng pormal na financial system.

Ayon sa BSP, pangunahing layunin ng EFLP na palawakin ang kaalaman ng sektor ng agrikultura sa tamang paggamit ng salapi at hikayatin ang kanilang ganap na partisipasyon sa pormal na sistemang pinansyal ng bansa.

“Kailangang mas maisama sa pormal na financial system ang sektor ng agrikultura, partikular ang mga magsasaka at mangingisda,” pahayag ni Ivory Myka R. Galang ng BSP Research Academy.

Ibinahagi rin sa programa ang mga benepisyong maaaring makuha sa pagiging bahagi ng financial system, tulad ng loan programs ng mga bangko at insurance coverage na maaaring magsilbing proteksyon sa panahon ng sakuna o kalamidad.

Naging makabuluhan ang talakayan dahil nakibahagi rin ang ilang magsasaka sa pagbabahagi ng kanilang karanasan sa larangan ng agrikultura at pakikipagkalakalan.

Ang nasabing programa ay itinuturing na mahalagang hakbang ng BSP upang maisulong ang financial inclusion sa bansa—lalo na sa mga komunidad na nasa laylayan gaya ng sektor ng agrikultura sa BARMM. (Norhainie S. Saliao, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MP Engr. Karon, Naglaan ng ₱500,000 Medical Assistance sa Pesante Hospital sa Midsayap