
Project TABANG, Nakilahok sa BARMM Tourism Summit 2025

COTABATO CITY (Ika-18 ng Setyembre, 2025) — Aktibong lumahok ang Project TABANG sa ginanap na BARMM Tourism Summit 2025 na may temang “BARMM Rising: Heritage to Horizon.” Ang summit ay pinangunahan ng Ministry of Trade, Investments, and Tourism (MTIT) at isinagawa noong Setyembre 16 sa KCC Convention Center, Cotabato City.
Layunin ng pagtitipon na pabilisin ang napapanatili at inklusibong pag-unlad ng sektor ng turismo sa Bangsamoro sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang mga stakeholder. Sa pamamagitan nito, inaasahang maisusulong ang kapayapaan at maiaangat ang mga oportunidad sa ekonomiya gamit ang mayamang kultural na pamana ng rehiyon.
Isa sa mga tampok ng summit ang opisyal na paglulunsad ng Bangsamoro Tourism Development Plan (BTDP) 2024–2033, na magsisilbing balangkas at gabay sa estratehikong direksyon ng sektor ng turismo sa BARMM sa susunod na dekada.
Dinaluhan ang programa ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya, kabilang ang Department of Tourism (DOT) na pinangunahan ni Secretary Christina Garcia-Frasco, kasama ang iba pang matataas na opisyal mula sa Bangsamoro Government.
Samantala, muling pinagtibay ng Project TABANG ang kanilang pangako na suportahan ang mga sosyo-ekonomikong inisyatibo ng BARMM, kabilang ang turismo, bilang mahalagang hakbang tungo sa inklusive growth at pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Ang BARMM Tourism Summit 2025 ay itinakdang magtapos ngayong araw, Setyembre 18, 2025. (Noron M. Rajabuyan, BMN/BangsamoroToday)