“Iboto ang UBJP Number 7 sa Balota” — Campaign Rally Isinagawa sa Malabang, Lanao del Sur

(Larawan kuha ng BMN/BangsamoroToday)

COTABATO CITY (Ika-11 ng Setyembre, 2025) — Sa isang matagumpay na Grand Campaign Rally na ginanap sa Municipal Gymnasium ng Malabang, Lanao del Sur noong Setyembre 10, hinikayat ni UBJP President Al Haj Murad Ebrahim ang mamamayang Bangsamoro na iboto ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) sa nalalapit na kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections.

“Iboto ninyo ang UBJP number 7 sa balota!” — ito ang mariing panawagan ni Al Haj Murad sa harap ng libo-libong tagasuporta. Binigyang-diin niya na ang tagumpay ng UBJP ay daan tungo sa inaasam na kapayapaan at kaunlaran ng Bangsamoro.

Aniya, “Nandito po kami ngayon, kasama ang mga nominees, upang hingin ang inyong boto. Tayo ay lumalaban hindi lamang para sa halalan, kundi para sa kinabukasan ng ating komunidad.”

Dagdag pa niya, ang campaign rally ay hindi lamang isang political event kundi isang pagtitipon upang magbahagi ng impormasyon, magkaisa, at hikayatin ang bawat isa na makilahok at bumoto sa darating na halalan.

“Ginawa natin ang rally na ito upang magkaisa at maiparating natin sa ating mga kababayan kung gaano kahalaga ang kanilang boto. Sama-sama nating itaguyod ang UBJP!”, wika ni Alhaj Murad.

Ipinahayag din niya na ang UBJP, bilang political party ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), ay nananatiling matatag at may malaking tsansa na manalo sa parliyamentaryong halalan ng Bangsamoro.

Sa kanyang panghuling mensahe, taos-puso siyang nagpasalamat sa mga dumalo at sumuporta:

“Kami po ay tumatayo ngayon, hindi bilang mga politiko, kundi bilang inyong mga kababayan na handang makinig at tumugon sa inyong mga boses,” ani Al Haj Murad.

Ang nasabing rally ay dinaluhan ng mga opisyal ng partido, mga lokal na lider, at mamamayan mula sa iba’t ibang bahagi ng Lanao del Sur. (Noron M. Rajabuyan at Hannan G. Ariman, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post LBO, Nagpahayag ng Suporta sa Pamunuan ng MILF sa Pamumuno ni Al Haj Murad Ebrahim