
MP Antao, Dumalo sa Political Candidate Forum para sa Mapayapa at Patas na Halalan sa SGA-BARMM

COTABATO CITY (Ika-9 ng Setyembre, 2025) — Dumalo si Member of Parliament (MP) Mohammad Kelie U. Antao sa isang Political Candidate Forum na may temang “SAFE and PEACEFUL Election in SGA-BARMM” na isinagawa sa 602nd Brigade Covered Court, Camp Lucero, Carmen, Cotabato noong Huwebes, Setyembre 4.
Naging makabuluhan ang nasabing forum dahil sa aktibong partisipasyon ng iba’t ibang ahensya at sektor, sa pangunguna ni Atty. Mohammad Nabil M. Mutia, Supervising Lawyer at Election Officer ng SGA-BARMM, at ni Brigadier General Ricky P. Bunayogpa, Commander ng 602nd Infantry Brigade.
Layunin ng aktibidad na ito na tiyakin ang maayos at patas na pagdaraos ng nalalapit na parliamentary election sa Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (SGA-BARMM), at mapanatili ang kapayapaan sa buong panahon ng halalan.
Dumalo rin sa nasabing pagtitipon ang ilang mga kandidato upang ipakita ang kanilang suporta sa adhikain ng isang mapayapa at malinis na halalan. Isa sa mga dumalo ay si MP Mohammad Kelie U. Antao, na pormal na idineklara bilang opisyal na kandidato ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) para sa posisyon ng District Representative ng SGA-BARMM.
Bilang bahagi ng programa, lumagda rin si MP Antao sa isang Peace Covenant—isang simbolikong hakbang ng kanyang pakikiisa sa panawagan para sa maayos, tapat, at mapayapang eleksyon na gaganapin sa ika-13 ng Oktubre 2025.
Ang isinagawang forum ay sumasalamin sa mga pangunahing adbokasiya ng Bangsamoro Government at ng partidong UBJP, na patuloy na nagsusulong ng makabuluhang partisipasyon sa demokratikong proseso at moral na pamumuno sa rehiyon. (Norhainie S. Saliao, BMN/BangsamoroToday)