Bangsamoro Parliament, Nagpatibay ng Dalawang Resolusyon ukol sa Bangsamoro Hymn at Proteksyon sa mga Bata

(Litrato mula sa BTA LTAIS)

COTABATO CITY (Ika-4 ng Setyembre , 2025) — Pinagtibay ng Committee on Basic, Higher, and Technical Education (CBHTE) ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang dalawang mahalagang resolusyon sa ginanap na pagpupulong nito noong Huwebes, Setyembre 4.

Isa sa mga aprubadong resolusyon ay nananawagan sa Office of the Chief Minister (OCM) na gumawa ng opisyal na video ng Bangsamoro Hymn na layong ipalaganap sa publiko. Inaasahang magsisilbing mabisang materyal ito upang lalong mapalalim ang diwa ng pagkakakilanlan at pagkakaisa sa rehiyon.

Isa pang resolusyong inaprubahan ng komite ay humihikayat sa Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) na palakasin at masusing bantayan ang implementasyon ng Republic Act No. 10627 o mas kilala bilang Anti-Bullying Act of 2013. Layunin nito ang matiyak na lahat ng paaralan sa buong rehiyon ay sumusunod sa batas at nagbibigay ng ligtas na kapaligiran para sa mga mag-aaral.

Ayon kay CBHTE Chairperson MP Tomanda Antok, mahalaga ang mga nasabing hakbang upang matiyak na ang bawat batang Bangsamoro ay lumalaki sa isang ligtas at mapagkalingang kapaligiran.

Bukod sa mga naturang resolusyon, natalakay rin sa komite ang Parliament Bill No. 356, na naglalayong lumikha ng kauna-unahang paaralang pandagat o maritime school sa rehiyon.

Ang panukala ay inakda ni Deputy Speaker John Anthony Lim, na iminungkahing itatag ang paaralan sa Bongao, Tawi-Tawi, dahil sa estratehikong lokasyon nito bilang kabisera ng lalawigan at sentro ng transportasyon sa isla.

Upang higit pang mapalakas ang panukala, planong magsagawa ng karagdagang benchmarking visit ang CBHTE sa mga kilalang maritime schools sa bansa. Kasalukuyan namang inihahanda ang pinagsama-samang ulat mula sa mga nakaraang benchmarking activities sa Zambales, Cebu, at Davao, gayundin ang mga public consultation na isinagawa sa Tawi-Tawi. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MAFAR-BARMM, Namahagi ng Libreng Binhi ng Palay sa Bayan ng Mamasapano, MDS
Next post MSSD, Naglunsad ng Flood at WASH Assessment sa Sultan sa Barongis, Rajah Buayan, at Pandag, MDS