Panukalang Bigyan ng Kapangyarihan ang Pangulong Marcos Jr. sa Pagpili ng ilang Miyembro ng Bangsamoro Parliament, Kinontra ni Atty. Montesa

Atty. Camilo Miguel Montesa. (Litrato mula sa Bong Montesa Thiker School FB Page; cover photo courtesy of Bongbong Marcos FB Page)

COTABATO CITY (Ika-25 ng Agosto, 2025) — Mariing tinutulan ni Atty. Camilo Miguel Montesa ang umano’y plano na bigyang kapangyarihan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na humirang ng pitong (7) miyembro ng Bangsamoro Parliament kung hindi maisasama ang mga ito sa nakatakdang halalan sa BARMM Parliament sa darating na Oktubre 13, 2025.

Ayon kay Atty. Montesa, ang naturang panukala ay tahasang lumalabag sa prinsipyo ng awtonomiya ng Bangsamoro at banta sa karapatan ng rehiyon na pamahalaan ang sarili nitong mga institusyon. “Ang mga posisyong ito ay tila magiging personal na prerogatibo ng Pangulo, at malamang mapunta lamang sa mga kaalyado niyang pulitikal,” pangamba ni Montesa.

Binigyang-diin ng abogado na ang nasabing hakbang ay isang uri ng panghihimasok na salungat sa diwa ng sariling pagpapasya ng mga Bangsamoro, at isa ring insulto sa sakripisyo ng mga mujahideen at iba pang nakipaglaban para sa kasarinlan at dignidad ng rehiyon. “Ang mga posisyong ito ay tila magiging personal na prerogatibo ng Pangulo, at malamang mapunta lamang sa kanyang mga kaalyado sa pulitika,” ani Montesa.

Dagdag pa niya, posibleng magdulot ito ng mas mahigpit na kontrol mula sa pambansang pamahalaan sa Bangsamoro Parliament, at magsilbing daan upang ang Pangulo ay maging isang ‘power broker’ sa loob ng lehislatura — kahit hindi halal ng taumbayan.

“Ang sinumang uupo sa puwesto nang walang basbas ng taumbayan ay walang lehitimong mandato. Ang kapangyarihang ibinibigay ng Pangulo ay hindi demokrasya — ito ay anyo ng patronage, pagtataksil sa awtonomiya, at hakbang palayo sa tunay na self-rule,” giit ni Montesa.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa Malacañang ukol sa isyung ito. Samantala, nananawagan ang iba’t ibang sektor sa rehiyon — lalo na ang mga Civil Society Organizations — kabilang sina Mahdie Amella at Dats Magon, na igalang ang mga probisyong nakasaad sa kasunduang pangkapayapaan at tiyaking tunay na kinatawan ng taumbayan ang bubuo sa Bangsamoro Parliament. (Hannan G. Ariman, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Jamiat Parang Al-academy, Isinagawa ang 1st Grand Multaqa sa Gymnasium ng Parang MDN
Next post Committee on Noble Qur’an Affairs, Nagdaos Ng General Assembly at Honoring Ceremony sa mga Huffaz