“Isang Boto, Isang Bangsamoro” Voter’s Education Campaign, Inilunsad sa BARMM

(Litrato kuha ng BMN/BangsamoroToday)

COTABATO CITY (Ika-20 ny Agosto, 2025) — Inilunsad ng Commission on Elections (COMELEC), sa pangunguna ni Chairman Atty. George Erwin Garcia, ang opisyal na voters education campaign sa rehiyon ng Bangsamoro na may pamagat na “Botong Bangsamoro 2025” at may temang “Isang Boto, Isang Bangsamoro” (Together We Vote) dito sa Lungsod ngayong araw ng Miyerkules. Layunin ng kampanya na palakasin ang kaalaman ng mamamayang Bangsamoro hinggil sa kanilang karapatang bumoto at hikayatin ang aktibong partisipasyon sa kauna-unahang Parliamentary Election ng BARMM na nakatakda sa Oktubre 13, 2025.

Inaasahang isasagawa ang kampanya mula Setyembre 1 hanggang Oktubre 11, 2025, sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mga security forces, civil society organizations, at media partners — kabilang ang Bangsamoro Multimedia Network (BMN) Inc., na katuwang sa paghahatid ng tama at makabuluhang impormasyon para sa nalalapit na halalan.

Pinalalakas ang Kamalayan ng Mamamayan

Ayon kay Director Ray F. Sumalipao, Regional Election Director ng COMELEC-BARMM, ang kampanyang ito ay idinisenyo para sa “pagpapalalim ng kaalaman ng mga Bangsamoro tungo sa isang matatag at matalinong pamayanan” — isang adhikain na suportado ni Interim Chief Minister Hon. Abdulraof A. Macacua.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni ICM Macacua na ang darating na halalan ay isang “shared responsibility to secure the future of the Bangsamoro.” Aniya, “Ang bawat boto ng Bangsamoro ay hindi lamang simpleng balota — sa pagkakaisa, ito ay magsisilbing lakas ng Bangsamoro.”

Pagpapatunay na Tuloy ang Eleksyon

Samantala, nilinaw naman ni COMELEC Chairman Garcia na tuloy ang eleksyon sa kabila ng mga isyung lumulutang kaugnay ng bilang ng mga parliamentary seats.

“Ang halalan sa Bangsamoro ay isang pangako para sa kapayapaan. At ang haligi ng pangakong ito ay ang maayos at malawakang voter’s education campaign,” ani Garcia.

Tinuldukan din niya ang mga agam-agam hinggil sa posibilidad ng pagkaantala ng eleksyon: “Tuloy-tuloy ang eleksyon sa Bangsamoro. Kami ay kasalukuyang nagpi-print ng mga ballot sheets para sa Parliamentary Election.”

Makabagong Paraan ng Pagpapalaganap ng Impormasyon


Ipinakita rin sa nasabing aktibidad ang isang video presentation mula sa COMELEC na nagpapaliwanag sa mga materyales at plataporma ng kampanya. Kabilang dito ang print tarpaulins, brochures, lokal na radio materials, at digital applications gamit ang mga distributed tablets at information kiosks na ipamamahagi sa buong rehiyon.

Ang inisyatibong ito ay sinuportahan ng United Nations Development Programme (UNDP) upang mapataas ang awareness at empowerment ng mamamayang Bangsamoro, sa paniniwalang ang pagbabahagi ng tamang impormasyon ay susi sa isang malinis at makabuluhang halalan.

Ang kabuuang voters education program ay pinangungunahan ni Atty. Frances Carolyn M. Aguindadao-Arabe, Acting Director IV mula sa Information and Education Department ng COMELEC National. (Norhainie S. Saliao, Noron M. Rajabuayan, Hannan G. Ariman, Mohamiden G. Solaiman, at Faydiyah Samanodi Akmad | BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Bangsamoro Parliament, Inaprubahan ang Redistricting ng mga Distrito bago ang Halalan sa Oktubre 13, 2025
Next post COMELEC Chairman Garcia Assures BARMM Parliamentary Elections Will Proceed on October 13 Despite Uncertainty in Number of Seats