
20 Baka Tulong Pangkabuhayan, Ipinamahagi ng MAFAR sa mga Benepisyaryo sa Lanao del Sur at MDS

COTABATO CITY (Ika-19 ng Agosto, 2025) — Namahagi ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) ng 20 baka sa mga dating combatant mula sa Butig, Lanao del Sur at Datu Anggal, Maguindanao del Sur noong Agosto 7–8, sa ilalim ng Food Security Convergence Program ng ahensya.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga programang pangkabuhayan sa mga pangunahing kampo ng dating MILF. Sa pamamagitan ng pamamahagi ng baka, layon ng MAFAR na matulungan ang mga dating combatant na muling makapagsimula ng panibagong buhay sa pamamagitan ng sustainable farming at livestock production.
Inaasahan na ang proyektong ito ay magbibigay ng dagdag na pagkakakitaan, tuloy-tuloy na suplay ng pagkain, at mas pinaigting na aktibidad sa sektor ng agrikultura sa kanilang mga komunidad. Malaki rin ang ambag nito sa pangmatagalang kapayapaan at katatagan sa rehiyon, sa pamamagitan ng pagbibigay ng produktibo at mapayapang kabuhayan sa mga dating mandirigma.
Nagpaabot ng pasasalamat ang mga benepisyaryo sa tulong na kanilang natanggap, at binigyang-diin na ang ganitong uri ng suporta ay nagbibigay pag-asa at pagkakataong mapaunlad ang kanilang pamumuhay.
Sa pamamagitan ng Food Security Convergence Program, patuloy na isinusulong ng MAFAR ang mga interbensyong pangkabuhayan na tumutugon sa seguridad sa pagkain, sariling kakayahan, at napapanatiling kaunlaran sa mga lugar na naapektuhan ng sigalot sa rehiyong Bangsamoro. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)