
MSSD, nagsagawa ng sabayang pamamahagi ng ayuda sa Kadayangan, SGA

COTABATO CITY (Ika-18 ng Agosto, 2025) — Isinagawa ng Ministry of Social Services and Development (MSSD), katuwang ang opisina ni Bangsamoro Transition Authority (BTA) Member of Parliament Mohammad Kelie U. Antao, ang sabayang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga benepisyaryo ng tatlong pangunahing programa ng MSSD noong ika-13 ng Agosto, sa municipal gymnasium ng Kadayangan, Special Geographic Area (SGA).
Tumanggap ng tig-PhP 3,000 ang 96 mahihirap na mag-aaral sa sekondarya sa ilalim ng Angat Bangsamoro: Kabataan Tungo sa Karunungan (ABaKa) program upang suportahan ang kanilang mga pangangailangan sa pag-aaral.
Sa ilalim naman ng Bangsamoro Sagip Kabuhayan (BSK), 19 benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-PhP 15,000 bilang panimulang kapital upang mapaunlad ang kanilang kabuhayan at maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga mahihirap at bulnerableng pamilya sa rehiyon.
Samantala, 11 batang ulila ang nabigyan ng tig-PhP 5,000 sa ilalim ng Kupkop Program bilang suporta sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at iba pang mahahalagang gastusin upang makatulong sa kanilang pagbangon. (BMN/BangsamoroToday)