
₱314 Milyong Halaga ng Makinaryang Pang-agrikultura, Ipinamahagi sa mga Magsasaka ng BARMM

COTABATO CITY (Ika-23 ng Oktubre, 2025) — Mahigit ₱314 milyong halaga ng mga makinaryang pang-agrikultura at postharvest facilities ang ipinagkaloob sa mga magsasaka ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa isang regional turnover ceremony na isinagawa ngayong araw.
Pinangunahan ng Department of Agriculture–Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (DA-PhilMech) ang aktibidad katuwang ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR-BARMM) sa pamumuno ni Minister Abunawas Maslamama. Ang proyektong ito ay bahagi ng patuloy na programa ng pamahalaan upang maisulong ang mekanisasyon at mapalakas ang produksyon ng mga magsasaka sa rehiyon.
Dumalo rin sa nasabing turnover ceremony sina DA Under Secretary Zamzamin Ampatuan, BARMM Chief Minister Abdulraof A. Macacua, Maguindanao del Sur Governor Datu Ali Midtimbang, at Maguindanao del Norte Governor Datu Tucao Mastura na kinatawan ng kanyang representante, Opisyal mula sa Lanao del Sur, Cong. Bai Dimple Mastura sa pamamagitan ni Josan Pacaldo kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaan. Ipinahayag ng mga lider ang kanilang pagkakaisa sa layuning maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga magsasakang Bangsamoro sa pamamagitan ng modernisasyon sa agrikultura.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Governor Midtimbang ang kahalagahan ng mga makinaryang ipinamahagi bilang mahalagang hakbang sa pagpapabuti ng produksyon at sa pagtulong sa mga magsasaka upang mas mapabilis ang kanilang gawain sa bukid.

“So kapin distribute sa kanu niya ba machinery na saki niya bun e kalinyan ko, kapimpiyanan inyaba ka masla a benal e makatambil sa kanu ukit a kapaguyag-uyag tano. So development o dalpa tano sa ludep a BARMM na niyaba masla inenggay a national government nango sa BARMM government tanu a nakatabangin sa langon a sekitanu,” ani Midtimbang.
Dagdag pa niya, “Entubai madtalo ko sa lekanu pipiyanan tano so tabang inenggay sa lekitanu endo amayka pipiyanan tanu na da pegkasla ya tabya siya bpon sa mas manut. Yanin mana so manut a kapaguyag na pangnin-ngeninta siya bun sumangol sa masla katamanan tanu.”
Ayon sa MAFAR-BARMM, ang mga ipinamahaging makinarya ay kinabibilangan ng mga traktora, rice transplanters, mechanical dryers, combine harvesters, at iba pang postharvest equipment. Inaasahan na makatutulong ito sa pagpapabilis ng mga operasyon sa pagsasaka at pagbawas ng pagod at gastos ng mga magsasaka.
Layunin ng proyektong ito na higit pang mapaunlad ang agricultural productivity sa BARMM, mapataas ang kita ng mga magsasaka, at matiyak ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng sektor ng agrikultura sa rehiyon sa ilalim ng pinagsamang suporta ng national government at Bangsamoro Government. (Hannan G. Ariman, BMN/BangsamoroToday)