
BTA, Dapat Magkaroon ng Malinaw na Posisyon sa Isyu ng Unang BARMM Parliamentary Election — Atty. Bacani

COTABATO CITY (Ika-16 ng Oktubre, 2025) — Binigyang-diin ni Atty. Benny Bacani, Executive Director ng Institute for Autonomy and Governance (IAG) at miyembro ng Interim Electoral Management Committee (IEMC), na nakasalalay sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang pagdedesisyon hinggil sa mga isyung may kinalaman sa unang BARMM Parliamentary Election.
Sa kanyang live interview sa isang lokal na himpilan ng radyo sa Lungsod, sinabi ni Atty. Bacani na nananatiling maraming usapin sa loob ng BTA, kabilang ang kawalan ng Speaker at ang mga isyung may kinalaman sa halalan gaya ng “None of the Above (NOTA)” at sectoral seats, na nangangailangan ng masusing deliberasyon bago makapagpasa ng opisyal na posisyon.
Ipinunto rin niya na bagama’t nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema na dapat ay ang Kongreso ang magtakda ng petsa ng halalan, hindi ito direktang inutos sa dispositive portion ng desisyon. Dahil dito, mahalagang pagtuunan ng pansin kung paano maisasagawa ang eleksyon sakaling hindi maging handa ang lahat ng kinakailangang proseso sa itinakdang panahon.
Ayon kay Bacani, marami pang legal at praktikal na hamon ang kailangang tugunan, kabilang ang hindi pa nareresolbang petisyon sa Korte Suprema kaugnay ng Bangsamoro Electoral Code, kaya nananawagan siyang agad itong desisyunan upang magkaroon ng malinaw na gabay ang BTA.
Ipinunto din niya ang pangangailangang maibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa proseso ng eleksyon, lalo na matapos ang ilang beses na pagpapaliban nito. Dagdag pa niya, magiging hamon din ang pagsabay ng Banal na Buwan ng Ramadan at Holy Week sa mga panahong posibleng pagdausan ng halalan.
Kaugnay nito, sinabi ni Bacani na dapat agad na mag-organisa ang BTA, magtalaga ng Speaker, at makapagpasa ng opisyal na posisyon bago matapos ang Oktubre 31, 2025, upang maiparating sa Korte Suprema ang kanilang tindig hinggil sa usapin.
Binanggit din niya na dapat ipagpatuloy ng BTA ang diyalogo sa mga stakeholder ng BARMM upang mapanatili ang transparency at mapalakas ang tiwala ng publiko sa halalan. Aniya, mahalaga ang pagkakaisa at maagap na aksyon ng BTA upang maisakatuparan ang halalan sa tamang panahon. (Norhainie S. Saliao, BMN/BangsamoroToday)