CSU, Pinangunahan ang Turnover, Ribbon Cutting, at Unveiling ng Peace Center Marker sa Paggunita ng Ika-13 Anibersaryo ng Framework Agreement on the Bangsamoro

(Larawan mula kay Dr. Anwar Z. Saluwang)

COTABATO CITY (Ika-15 ng Oktubre, 2025) — Sa paggunita ng ika-13 anibersaryo ng Framework Agreement on the Bangsamoro (FAB), matagumpay na isinagawa ng Cotabato State University (CSU) ang Turnover, Ribbon Cutting, at Unveiling ng Peace and Development Center Building Marker ngayong Oktubre 15, 2025, sa loob ng CSU Campus sa Cotabato City.

Ang naturang okasyon ay bahagi ng pagdiriwang sa kasaysayang nagtanim ng binhi ng kapayapaan sa rehiyon—ang kasunduang nilagdaan ng Pamahalaan ng Pilipinas (GPH) at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nagsilbing pundasyon sa pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Pinangunahan ni Dr. Ombra A. Imam, Direktor ng CSU Peace and Development Center, ang pagbubukas ng programa sa pamamagitan ng kanyang welcome remarks. Kasunod nito ay ang turnover message ni Minister Mohagher M. Iqbal ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE-BARMM), at ang acceptance message naman ni CSU President Prof. Sema G. Dilna, Ed.D.

Nagbigay ng keynote address si dating Member of Parliament (MP) Engr. Aida M. Silongan, Ph.D., habang nagbahagi naman ng mga mensaheng nagbibigay-inspirasyon sina MP Susana Anayatin at Dr. Rahib Kudto.

Bilang pagkilala, ipinagkaloob ng unibersidad ang Plaques of Appreciation kina Minister Iqbal at Engr. Silongan bilang pasasalamat sa kanilang mahalagang ambag sa pagtatatag ng CSU Peace and Development Center.

(Larawan mula kay Dr. Anwar Z. Saluwang)

Pinangunahan nina Minister Iqbal, Engr. Silongan, at President Dilna ang pagtatabas ng laso at pagbubunyag ng marker ng gusali, kasama sina Dr. Imam, mga opisyal ng CSU, at mga kinatawan mula sa Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), UNICEF, Centre for Humanitarian Dialogue, Third Party Monitoring Team, Bangsamoro Human Rights Commission, Development Academy of the Bangsamoro, at Consortium of Bangsamoro Civil Society Organizations. Dumalo rin ang mga dean, direktor, guro, at estudyante ng CSU.

Nagtapos ang seremonya sa isang simpleng kanduli bilang tanda ng pasasalamat, pagkakaisa, at patuloy na paninindigan para sa kapayapaan.

Ang bagong tayong CSU Peace and Development Center ay nagsisilbing simbolo ng inklusibong, mapagpabagong, at pangmatagalang kapayapaan—isang sentro para sa pananaliksik, dayalogo, at pakikipagtulungan ng iba’t ibang tagapagtaguyod ng kapayapaan.

Ang makasaysayang kaganapang ito ay hudyat din ng magiging pangunahing papel ng CSU sa pangunguna ng 2025 Mindanao Week of Peace Celebration, bilang patunay sa misyon nitong maging world-class university for peace and development sa katimugang bahagi ng Pilipinas. (BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Pagsasanay at Suporta, Hatid sa mga Magsasaka ng Mais sa Maguindanao del Sur