
Senator Padilla, Hinimok ang CSC na Pag-aralan ang mas madaling Civil Service Eligibility para sa mga Katutubong Pilipino

COTABATO CITY (Ika-13 ng Oktubre, 2025) — Hinimok ni Senator Robin Padilla ang Civil Service Commission (CSC) na pag-aralan ang mas madaling paraan para sa mga Indigenous Peoples (IPs) na makapasok sa serbisyo publiko, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Indigenous Peoples Month ngayong Oktubre.
Layunin ng panukala ni Padilla na mapalakas ang partisipasyon at representasyon ng mga katutubong Pilipino sa serbisyo publiko, at matiyak na sila ay mabigyan ng patas na pagkakataon at matatag na puwesto sa pamahalaan.
Sa Senate finance hearing noong Lunes, Oktubre 13, 2025, binigyang-diin ng senador ang pangangailangang mabigyan ng mas konkretong oportunidad at pagkilala ang mga katutubong Pilipino sa hanay ng mga kawani ng pamahalaan.
“Iyan pong ating mga IPs, sila po ang ating maituturing na mga kayamanan ng ating bansa. Bagamat sila po ay madalas napapabayaan, sila ay binibigyang karangalan natin sa salita pero pagdating sa gawa, medyo kulang — katulad ng pagbabawas ng kanilang budget at iba pa. Ang ilalapit ko po sa inyo, ano po ang puso ng Civil Service Commission sa mga IPs?”, ani Padilla.
Binanggit ng senador na ilang Indigenous Peoples Mandatory Representatives (IPMRs) ang humihiling na mapababa ang hinihinging taon ng serbisyo upang maging kwalipikado sa civil service eligibility, mula sa anim (6) na taon na nakasaad sa Republic Act No. 10156, tungo sa tatlong (3) taon.
Bilang tugon, ipinaliwanag ng CSC na ang special eligibility ay nakapaloob sa batas, at tanging Kongreso lamang ang puwedeng gumawa ng pagbabago rito. Ang “special eligibility” ay limitado dahil hindi na ito dumadaan sa pagsusulit. Sa kasalukuyan ay Tatlong (3) taon para sa Sangguniang Kabataan, at Anim (6) na taon para sa Sangguniang Panglungsod at Panglalawigan.
Dagdag ng CSC, hindi nila puwedeng baguhin ang tagal ng serbisyo sa pamamagitan ng resolusyon lamang dahil nakasaad ito sa umiiral na batas. Sa madaling salita, wala silang “leeway” o flexibility na baguhin ito nang wala pang panibagong batas.
Gayunpaman, maaaring bigyan ng preferential rating ang mga IPs na kukuha ng civil service examination, na makakatulong sa kani upang makakuha ng career eligibility. (Norhainie S. Saliao, BMN/BangsamoroToday)