BLTFRB, Isinusulong ang Ligtas at Maayos na Transportasyon sa BARMM

(Larawan mula sa BLTFRB)

COTABATO CITY (Ika-13 ng Oktubre, 2025) — Pinangunahan ni Minister Termizie G. Masahud, na siya ring Chairman ng Bangsamoro Land Transportation Franchising and Regulatory Board (BLTFRB), ang regular na pagpupulong ng nasabing ahensya noong Oktubre 10. Ang nasabing pagpupulong ay dinaluhan ng mga miyembro ng Board at iba’t ibang opisyal na responsable sa regulasyon ng pampublikong transportasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Isa sa mga pangunahing desisyong pinagtibay sa pulong ay ang pag-adopt ng mga umiiral na Memorandum Circulars (MCs) mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Layunin nitong isulong ang harmonisasyon ng mga pambansang polisiya sa lokal na konteksto ng Bangsamoro, habang isinasaalang-alang ang mga partikular na pangangailangan at kalagayan ng rehiyon.

Ang naturang hakbang ay inaasahang magdudulot ng mas epektibong implementasyon ng mga patakaran sa transportasyon, lalo na sa pagbibigay ng prangkisa at regulasyon sa mga pampublikong sasakyan. Ayon kay Minister Masahud, mahalagang maging kapareho ng pambansang antas ang mga panuntunan sa rehiyon upang matiyak ang kalidad at kaligtasan ng serbisyo sa mga mananakay.

Kabilang rin sa mga natalakay ay ang mga panukalang polisiya na may layuning magtakda ng pamantayan para sa pagbubukas ng mga bagong ruta ng pampublikong transportasyon. Bahagi ito ng mas malawak na plano ng BLTFRB na mapalawak at mapabuti ang accessibility ng transportasyon sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Pinagtuunan din ng Board ang klasipikasyon ng mga pampublikong sasakyan, upang malinaw na matukoy ang mga kategorya at uri ng serbisyong dapat ibigay sa publiko. Inaasahan na sa pamamagitan nito, magiging mas sistematiko ang pag-regulate sa mga operator at mas mapoprotektahan ang kapakanan ng mga pasahero.

Sa kabuuan, layunin ng mga ipinatutupad at binubuong patakaran na iangat ang antas ng pampublikong transportasyon sa Bangsamoro, alinsunod sa pangkalahatang direksyon ng pamahalaan tungo sa isang ligtas, episyente, at inklusibong sistema ng transportasyon.

Patuloy namang hinihikayat ng BLTFRB ang partisipasyon ng mga stakeholder sa sektor ng transportasyon upang higit na mapalawak ang diskurso at masigurong tumutugon ang mga polisiya sa tunay na pangangailangan ng komunidad. (Hannan G. Ariman, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Prof. Coronel-Ferrer Urges Fair and Impartial Redistricting in the Bangsamoro Parliament