Biktima ng Buhawi sa Indanan, Tinulungan ng MSSD sa Pamamagitan ng House-to-House Distribution

(Larawan Mula sa MSSD-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-8 ng Octobre, 2025) — Mabilis na tumugon ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa mga pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng buhawi na tumama sa Barangay Panabuan noong ika-4 ng Oktubre.

Ayon sa ulat ng lokal na pamahalaan, limang pamilya ang naapektuhan ng naturang kalamidad, na may kabuuang bilang na 28 indibidwal. Dahil dito, agad na isinagawa ang relief operations upang matiyak na matutugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Noong ika-6 ng Oktubre, isinagawa ng MSSD ang pamamahagi ng tulong sa pamamagitan ng house-to-house visit upang direktang maipaabot ang ayuda sa bawat apektadong pamilya. Layunin nitong maiwasan ang pagdagsa ng tao sa isang lugar at masigurong ligtas at maayos ang distribusyon.

Ang bawat pamilyang naapektuhan ay binigyan ng 25 kilo ng bigas, isang kahon ng food pack, dignity kit, at sleeping kit na maaaring makatulong sa kanilang pansamantalang pagbangon habang inaayos pa ang kanilang tirahan.

Pinangunahan ni Municipal Social Welfare Officer Norhaima A. Kulani ang nasabing aktibidad, katuwang sina Social Welfare Officer I Jean Rose G. Halipa, Information Management Assistant Masur Sakandal, at mga para-social workers mula sa MSSD-Indanan.

Ipinahayag ni SWO I Jean Rose G. Halipa na mahalagang maiparamdam agad sa mga biktima ang suporta ng pamahalaan upang mabawasan ang kanilang pinansyal at emosyonal na pasanin bunsod ng trahedya. Aniya, patuloy ang MSSD sa pagtutok sa kalagayan ng mga nasalanta upang matiyak ang kanilang kaligtasan at kapakanan.

Ang mabilis na pagtugon ng MSSD ay patunay ng kanilang dedikasyon sa pagbibigay ng serbisyong panlipunan, lalo na sa mga panahong labis na kinakailangan ito ng mga mamamayan sa mga liblib na bahagi ng rehiyon. (Hannan G. Ariman, BangsamoroToday)
 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Ikalawang BHHS Forum, Pormal nang Binuksan sa Cotabato City
Next post BARMM and National Government Sign Oil and Gas Exploration in Tawi-Tawi