
Ikalawang BHHS Forum, Pormal nang Binuksan sa Cotabato City

COTABATO CITY (Ika-7 ng Oktubre, 2025) — Pormal nang binuksan ngayong araw, Martes, ang Ikalawang Bangsamoro Housing and Human Settlements (BHHS) Forum na may temang “Anchoring Partnerships in Sustainable and Inclusive Housing” sa KCC Mall of Cotabato, Cotabato City.
Layunin ng forum na paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng pamahalaan, pribadong sektor, at mga development partner upang makabuo ng konkretong solusyon sa kakulangan sa pabahay sa rehiyon. Kasama rin sa mga layunin nito ang pagsusulong ng karapatan sa lupa at maayos na tirahan ng mga internally displaced persons (IDPs) at mga katutubong pamayanan.
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Jonas Titangco ng Catholic Relief Services (CRS) Philippines na tinatayang nasa 340,000 housing units ang kasalukuyang kakulangan sa rehiyon ng Bangsamoro. Aniya, “This forum is a strategic response to this challenge.” Idinagdag pa niyang nagsisilbing policy coordination platform ang forum na naglalayong pag-isahin ang mga inisyatibo ng mga sektor tungo sa inklusibong pabahay.
Binigyang-diin naman ni MHSD Minister Hamid Aminoddin Barra na ang pagpapatupad ng mga programang pabahay ay dapat nakaangkla sa mga batayang pagpapahalaga tulad ng pagtutulungan, malasakit, at pananagutan — mga prinsipyong mahalaga sa pagbubuo ng matatag at makataong pamayanan.
Sa loob ng dalawang araw, tatalakayin ng mga kalahok ang mga makabago at sustenableng pamamaraan sa pabahay gaya ng green building, paggamit ng indigenous materials, inclusive financing models, at digital tools para sa mas madaling akses sa pabahay. Tampok din ang isang espesyal na sesyon na pangungunahan ng GCash hinggil sa paggamit ng digital finance sa pagpapatupad ng mga proyektong pabahay.
Nagpahayag din ng suporta si Cotabato City Mayor Mohammad “Bruce” Ali Matabalao sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si City Administrator Mahalia D. Midtimbang. Sa kanyang mensahe, sinabi ng alkalde: “Housing is not only about walls and rooms — it is about dignity, safety, and home.” Dagdag pa niya, “Every discussion here, every plan, and every partnership matters, because behind each statistic is a family whose future depends on our action.”
Ang dalawang-araw na aktibidad ay pinangungunahan ng Ministry of Human Settlements and Development (MHSD), katuwang ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) at Catholic Relief Services (CRS) Philippines, bilang bahagi ng patuloy na hangarin ng Pamahalaang Bangsamoro na maisulong ang disenteng pabahay at matatag na pamayanan sa rehiyon. (Norhainie S. Saliao, BMN/BangsamoroToday)