Gov. Midtimbang, Nag-alok ng ₱100K Pabuya para sa Ikadarakip ng Pumatay sa Katutubong Teduray sa Datu Hoffer

(Larawan mula kay Tavor Mids)

COTABATO CITY (Ika-2 ng Oktubre, 2025) — Nag-alok ng ₱100,000 pabuya si Governor Datu Ali Midtimbang ng Maguindanao del Sur para sa sinumang makapagtuturo o makakatulong sa agarang pagkakadakip ng salarin sa likod ng pamamaslang sa kasapi ng Indigenous Peoples (IP) community na si Ramon Lupos, sa bayan ng Datu Hoffer.

Agad na tumugon si Gov. Midtimbang sa lugar ng insidente at ipinatawag ang pamilya ng biktima, mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), mga lokal na opisyal ng barangay, at mga IP leaders upang talakayin ang mga hakbang para sa katarungan at seguridad ng mga katutubo sa lugar.

Hiling ni Gov. Midtimbang: Huwag Matakot, Magsalita

Binigyang-diin ng gobernador ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng mga mamamayan, lalo na ang mga miyembro ng IP community, sa mga awtoridad. Aniya, hindi dapat matakot ang sinuman na magsumbong kung may mga banta sa kanilang buhay o komunidad.

“Hindi natin palalagpasin ang ganitong uri ng karahasan. Sisiguraduhin nating mapapanagot ang may sala,” pahayag ni Gov. Midtimbang.

Kaugnay nito, iniutos ng gobernador ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga pamayanang katutubo sa Datu Hoffer. Tiniyak din niya ang buong suporta ng pamahalaang panlalawigan upang mapanatili ang kaayusan sa mga lugar na may presensya ng IP communities.

PNP at AFP, Naka-Focus sa Kaso

Nagpahayag naman ng kanilang pagtutok ang PNP at AFP sa kaso. Nangako ang mga ito na paiigtingin ang kanilang presensya at operasyon sa lugar upang tiyakin ang kaligtasan ng mga sibilyan at maiwasan ang paglala ng karahasan.

Suporta para sa Pamilya ng Biktima

Bilang pakikiisa sa dalamhati ng pamilya ni Ramon Lupos, nagpaabot din si Gov. Midtimbang ng tulong pinansyal para sa kanila, bilang agarang suporta habang inaasikaso ang mga serbisyong kailangan ng pamilya. (Noron M. Rajabuyan, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Paglilingkod na Malaya sa Kasakiman, Hambog, at Inggit: Susi sa Patuloy na Kaunlaran ng Maguindanao del Norte — ICM Macacua
Next post EU at BARMM, Nagpapatatag ng Suporta sa Agri-Enterprise sa 4th BAEP PSC Meeting