
75 Libreng Pabahay, Itatayo para sa mga Mahihirap na Cotabateño sa 2025 — MHSD

COTABATO CITY (Ika-30 ny Setyembre, 2025) — Ibinahagi ni Bangsamoro Director-General Esmael Ebrahim ng Ministry of Human Settlements and Development (MHSD) na magtatayo ng kabuuang 75 yunit ng libreng pabahay para sa mga mahihirap na Cotabateño simula sa taong 2025.
Ang proyekto ay isinasakatuparan sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Cotabato, sa pangunguna ni Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao, upang matugunan ang pangangailangan sa tirahan at pinansyal ng mga pamilyang Bangsamoro sa lungsod.
“Noong Setyembre 15, pormal na naming nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang LGU, matapos ang serye ng mga pagsusuri sa kasunduan upang simulan ang proyektong pabahay sa Cotabato City,” ani Ebrahim.
Tiniyak umano ng MHSD na ang mga probisyon ng MOA ay alinsunod sa umiiral na mga batas. Alinsunod sa Bangsamoro Administrative Code, ang MHSD ang pangunahing ahensya na nangangasiwa sa pabahay, human settlements, at urban development sa buong rehiyon ng Bangsamoro.
Hati sa Responsibilidad
Ipinaliwanag ni Ebrahim na ang MHSD ang mangangasiwa sa konstruksyon ng mga pabahay at lupa, habang ang LGU naman ang may tungkulin sa land development, pati na rin sa paglalagay ng kuryente, tubig, at iba pang pangunahing pasilidad.
Kasama sa mga benepisyaryo ng proyekto ang mga residenteng Cotabateño, kabilang ang mga pamilya ng dating combatants at mga hindi Muslim, bilang bahagi ng pagsulong ng inklusibong serbisyo sa lungsod.
Pinondohan sa GAAB
Ang unang 50 yunit ay pondong nagmula sa General Appropriations Act of the Bangsamoro (GAAB) 2025, habang ang natitirang 25 yunit ay mula naman sa GAAB 2024.
Iba pang Proyektong Pabahay
Dagdag pa ni Ebrahim, 50 yunit ng pabahay ang nakatakdang i-turn over ng MHSD sa Kalanganan 2, Cotabato City. Bukod dito, bibilhin pa ng Ministry ang karagdagang 50 yunit para sa mga mamamayan ng lungsod.
“Sa pamumuno ni Minister Atty. Aminoddin Barra, kami sa MHSD ay taus-pusong nagpapasalamat sa pagkakataong maging bahagi ng adhikain ng interim government na tulungan ang mga mamamayang Bangsamoro at mapaunlad ang rehiyon,” wika ni Ebrahim.
Ang mga proyektong ito ay tumutugon sa ikalimang prayoridad na agenda ng kasalukuyang administrasyon sa ilalim ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua, na nakatuon sa istratehikong impraestruktura at serbisyong panlipunan. (BMN/BangsamoroToday)