
JICA at MILF, Pinalalalim ang Ugnayan para sa Kapayapaan at Kaunlaran sa Rehiyon

COTABATO CITY (Ika-27 ng Setyembre, 2025) — Muling pinagtibay ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang kanilang pangmatagalang pagtutulungan sa Bangsamoro sa isinagawang courtesy visit nina JICA Philippine Office Senior Representative Ide Soichiro at Naoyuki Ochiai kay Moro Islamic Liberation Front (MILF) Central Committee Chairman at United Bangsamoro Justice Party (UBJP) President Al Haj Murad Ebrahim.
Sa nasabing pagpupulong, muling inilahad ng JICA ang kanilang matibay na komitment sa kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon ng Bangsamoro. Ayon kina Soichiro at Ochiai, ang pagpapatuloy ng kanilang suporta ay nakatuon sa pagpapalakas ng mga institusyon, paghahatid ng serbisyo publiko, at pagpapaunlad ng mga komunidad sa rehiyon.
Kasama sa mga tinalakay ang ilang aktibong proyekto ng JICA sa BARMM, kabilang ang mga programang pang-imprastruktura sa Parang, Maguindanao del Norte, pamamahagi ng mga heavy equipment units, at pagsasanay para sa mga kawani ng Bangsamoro Government. Ang mga ito ay bahagi ng kanilang matagal nang adbokasiya para sa inklusibong pag-unlad at post-conflict recovery sa Mindanao.
Binanggit din sa pulong ang kasaysayan ng malapit na ugnayan ng JICA at MILF na nagsimula pa noong unang bahagi ng dekada 2010. Ang ugnayang ito ay itinuturing na mahalagang bahagi ng transition process ng Bangsamoro at patuloy na nagsisilbing modelo ng internasyonal na suporta para sa kapayapaan sa rehiyon.
Sa huli, tiniyak ni Chairman Murad ang pasasalamat ng Bangsamoro sa pamahalaan ng Japan at sa JICA sa kanilang hindi matatawarang kontribusyon sa prosesong pangkapayapaan at pangkaunlaran. Aniya, ang ganitong mga inisyatiba ay nagbibigay ng pag-asa at konkretong tulong sa mga mamamayang matagal nang nananabik sa tunay na pagbabago sa rehiyon. (Hannan G. Ariman, BMN/BangsamoroToday)