
Babaeng Naligaw, Matagumpay na Na-rescue ng MSSD sa Mapun

COTABATO CITY (Ika-24 ng Setyembre, 2025) — Isang babaeng naligaw ang matagumpay na nailigtas at nabigyan ng kaukulang medikal na atensyon sa tulong ng Ministry of Social Services and Development (MSSD)-BARMM, matapos siyang i-turn over ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Brooke’s Point, Palawan noong Setyembre 19, 2025.
Ayon sa ulat mula sa MSSD Mapun, tumakas ang nasabing babae mula sa kanilang tahanan at nagtungo sa Palawan sakay ng bangka, kung saan siya natagpuang pagala-gala sa lansangan.
Agad na kumilos ang MSSD Mapun upang tiyakin ang kanyang kalagayan. Dinala ang kliyente sa Cagayan de Tawi-Tawi District Hospital para sa masusing medikal na pagsusuri. Lumabas sa resulta na ang babae ay sumailalim na pala sa colostomy operation—isang medikal na pamamaraan kung saan nililikha ang pansamantalang lagusan sa bituka upang mailabas ang dumi ng katawan.
Sa tulong ng Ministry of Health (MOH) Mapun at ng nabanggit na ospital, nakatanggap ang kliyente ng tamang lunas at libreng gamot. Bukod pa rito, binigyan din siya ng mga welfare goods at hygiene kits mula sa MSSD-BARMM bilang karagdagang suporta.
Samantala, ligtas na naihatid ang nasabing babae pabalik sa kanyang pamilya sa tulong ng Philippine Coast Guard (PCG), katuwang ang Mapun Municipal Police Station. Ayon sa PCG, patuloy nilang imo-monitor ang kalagayan ng kliyente upang matiyak ang kanyang kaligtasan at mapigilan ang muling pagtakas. (Norhainie S. Saliao, BMN/Bangsamoro Today)