
Kauna-unahang AMBaG Stakeholders’ Meeting at Recognition Ceremony, Matagumpay na Idinaos sa Davao City

COTABATO CITY (Ika-23 ng Setyembre, 2025) – Matagumpay na isinagawa ang kauna-unahang AMBaG Stakeholders’ Meeting and Recognition Ceremony with Partner Hospitals sa Sotogrande Hotel, Davao City, noong Setyembre 22, sa pangunguna ni AMBaG Program Head Mohd Asnin K. Pendatun.
Ang aktibidad ay isinagawa bilang pasasalamat at pagkilala sa mga partner hospitals ng programang Ayudang Medikal Mula sa Bangsamoro Government (AMBaG) na patuloy na nagsisilbing katuwang sa pagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa mga kababayan, lalo na sa mga kapus-palad.
Inklusibong Tulong Medikal para sa Lahat
Sa pamamagitan ng isang video presentation, inilahad ang kasaysayan at kasalukuyang tagumpay ng programa. Itinatag ang AMBaG noong 2019 sa inisyatiba ni dating BARMM Chief Minister Al Haj Murad Ebrahim, at mas pinatibay pa ito sa ilalim ng pamumuno ni Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim at ipinagpapatuloy ngayon ni kasalukuyang Chief Minister Abdulraof A. Macacua.
Ang AMBaG ay isang inklusibong programa na hindi lamang para sa mga mamamayan ng BARMM, kundi maging sa mga nasa labas ng rehiyon. Mula sa 11 partner hospitals noong 2019, umabot na sa 45 ospital ang katuwang ng programa ngayong 2025.
Tumaas din ang halagang naipagkakaloob sa mga benepisyaryo ng programa mula P10,000 patungong P20,000 bawat pasyente, alinsunod sa patuloy na pangangailangan ng mga pasyente.
Higit 260,000 na Benepisyaryo, Mahigit Isang Bilyong Piso na ang Naiabot
Ayon sa pinakahuling ulat, mahigit 260,000 katao na ang nakinabang sa programa mula Disyembre 2019 hanggang Agosto 2025. Sa bilang na ito, mahigit 112,000 ay kababaihan, 59,000 ay kalalakihan, at 89,000 ay kabataan. Mahigit 84% ng mga ito ay nakalabas ng ospital na zero billing, ibig sabihin, wala nang kailangang bayaran ang pasyente sa paglabas ng pagamutan.
Nakapagtala na rin ang AMBaG ng mahigit P1 bilyong pondong medikal na naipaabot sa mga benepisyaryo sa loob ng anim na taon.
Pagkilala sa mga Partner Hospitals
Bilang bahagi ng selebrasyon, pinarangalan ang lahat ng partner hospitals ng AMBaG bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa tagumpay ng programa. Isa sa mga nagbigay ng mensahe ay si Dr. Ibrahim V. Pangato, Jr., Chief of Hospital ng Cotabato Sanitarium and General Hospital.
Aniya, “Ang AMBaG ay isang tunay na inklusibong programa – hindi lamang para sa BARMM, kundi maging sa mga karatig na lugar. Malaki ang pasasalamat namin sa pamahalaan ng BARMM, lalo na kay Chief Minister Macacua, sa patuloy na pagpapatupad ng programang ito.”
“AMBaG is more than a program – it is a life-line.”
Sa kanyang mensahe, muling tiniyak ni Chief Minister Macacua ang patuloy na implementasyon ng programa. Aniya, “Ang AMBaG ay hindi lamang isang programa – ito ay isang lifeline para sa ating mga kababayang kapos sa buhay.”
Patuloy rin ang pamahalaan ng Bangsamoro sa pagpapalawak ng saklaw ng AMBaG upang mas marami pang pasyente ang matulungan at mabigyan ng serbisyong medikal na tunay na may malasakit. (Norhainie S. Saliao, BMN/Bangsamoro Today)