
Southeast Asia Red Cross Red Crescent Humanitarian Forum, Pormal ng inilunsad ngayong araw sa Malaysia

COTABATO CITY (Ika-22 ng Setyembre, 2025) – Pormal nang inilunsad ngayong araw ang kauna-unahang Southeast Asia Red Cross Red Crescent Humanitarian Forum, isang makasaysayang pagtitipon na naglalayong pag-ibayuhin ang pagtutulungan ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya sa pagtugon sa mga krisis pangmakatao at kalamidad.
Sa gitna ng tumitinding hamon sa rehiyon ng Asia-Pacific — kabilang ang mahigit 45.8 milyong kataong nawalan ng tirahan noong 2024, mahigit 130 armadong labanan sa buong mundo, at 70% pagtaas ng bilang ng mga nawawalang tao mula 2019 — nagsisilbing mahalagang plataporma ang forum na ito para sa sama-samang pagkilos at pagpapalitan ng kaalaman.
Pinangunahan ang pagbubukas ng forum ni Her Highness Dato’ Seri DiRaja Tan Sri Tunku Puteri Intan Safinaz binti Almarhum Sultan Abdul Halim Mu’adzam Shah, Pambansang Tagapangulo ng Malaysian Red Crescent (MRC). Nagbigay rin ng pambungad na mensahe sina G. Alexander Matheou, Regional Director para sa Asia Pacific ng International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies (IFRC), at G. Régis Savioz, Regional Director para sa Asia and the Pacific ng International Committee of the Red Cross (ICRC).
Tampok din ang pangunahing talumpati mula kay Kagalang-galang Datuk Seri Dr. Noraini binti Ahmad, Pangalawang Ministro ng Kagawaran ng Kababaihan, Pamilya, at Pagpapaunlad ng Komunidad ng Malaysia.
Dinaluhan ang forum ng mga kinatawan mula sa mga pamahalaan, ASEAN bodies, at mga lider ng makataong pagtugon. Layunin nitong pagtibayin ang kooperasyon sa mga larangan ng disaster law, international humanitarian law, at kahandaan sa mga krisis — tungo sa mas matatag at mas mabilis na pagtugon sa mga hamong kinahaharap ng rehiyon ngayon at sa hinaharap.
Ang Humanitarian Forum ay inaasahang magsilbing mahalagang hakbang sa pagbubuo ng mas inklusibo at makataong hinaharap para sa buong Timog-Silangang Asya. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)