MHU ng MOH-BARMM Nagsagawa ng Mental Health Awareness at Suicide Prevention Campaign sa Tawi-Tawi

(Larawan mula sa MOH-BARMM FB Page)

COTABATO CITY (Ika-22 ng Setyembre, 2025) — Sa paggunita ng National Suicide Prevention Awareness Month ay isinagawa ng Mental Health Unit (MHU) ng Ministry of Health – Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOH-BARMM) ang serye ng mga aktibidad para sa mental health awareness at suicide prevention sa tatlong piling lugar sa lalawigan ng Tawi-Tawi.

Kabilang sa kampanya na nagsagawa ng programa ang Tawi-Tawi School of Arts and Trade (TTSAT), Mindanao State University (MSU), at Barangay Tubig Boh sa bayan ng Bonggao, na dinaluhan ng higit 300 kalahok mula sa iba’t ibang sektor, partikular ang kabataan.

Pinangunahan ng MHU ang kampanya sa ilalim ng Telepsychiatry Program sa pamumuno ni Hasmia K. Edris, RN, Program Manager, at katuwang na si Noronnisah T. Sara, RN, Assistant Program Coordinator. Nakiisa rin sa aktibidad sina Dr. Kadil “Jojo” Sinolinding Jr., BARMM Health Minister, at Dr. Sangkula Laja, Provincial Health Officer II ng Tawi-Tawi.

Ayon sa MOH ay layon ng kampanya na itaas ang kamalayan tungkol sa mental health at pag-iwas sa pagpapatiwakal, turuan ang publiko ukol sa mga senyales ng mental distress, bawasan ang stigma sa mga usaping pangkaisipan, at magbigay ng access sa mental health services at suporta.

Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang:
mga aralin tungkol sa Mental health at suicide prevention; Interactive discussions kasama ang mga estudyante; Poster at slogan-making contest na nilahukan ng mga kabataan; Youth-centered forums sa MSU at TTSAT na tumalakay sa mga isyung tulad ng academic pressure, problema sa pamilya, bullying, at social media stress; Barangay-level engagement sa Tubig Boh na dinaluhan ng mga residente, barangay health workers, at lokal na lider.

“Happiness is the truest form of success,” pagbibigay-diin ni Dr. Sinolinding sa kanyang keynote speech, habang pinaalalahanan naman ni Dr. Laja ang mga estudyante na pagtuunan muna ng pansin ang kanilang edukasyon at umiwas sa mga romantic relationships na maaaring makasagabal sa kanilang academic performance.

Namahagi rin ng mga impormasyon at materyales ukol sa mental health helplines, serbisyo, at community support systems upang matiyak na may malalapitan ang mga nangangailangan.

Ang aktibidad ay kinilala bilang isang makabuluhang hakbang sa pagpapalaganap ng kaalaman, pagwasak sa stigma, at pagtitiyak ng akses sa mental health care sa mga komunidad ng Tawi-Tawi.

Sa suporta ng lokal na pamahalaan, mga institusyong pang-edukasyon, at mga tagapagtaguyod ng kalusugan, inilalatag na ngayon ng MOH ang mga hakbang para sa isang sustenable at inklusibong mental health program sa rehiyon. (Hannan G. Ariman, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Community Environment, Natural Resources, and Energy Office ng Lamitan, Aktibong nakiisa sa International Coastal Cleanup Day 2025
Next post 679 Benepisyaryo na Apektado ng Baha, Tumanggap ng Food packs mula sa Provincial Government ng Maguindanao del Sur