Madrasah Administrators Consultative Assembly, matagumpay na naisagawa ng NCMF

(Photo courtesy of NCMF)

COTABATO CITY (Ika-20 ng Setyembre, 2025) — Isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapalakas ng sistema ng edukasyon sa Madrasah ang isinagawa ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) katuwang ang Bureau of Muslim Cultural Affairs (BMCA) sa pamamagitan ng National Madrasah Administrators Consultative Assembly noong Setyembre 17, sa Park Inn by Radisson, SM North Edsa, Quezon City.

Sa nasabing pagtitipon, dumalo ang mga administrador ng madrasah mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, gayundin ng mga kinatawan mula sa Department of Education (DepEd), Department of Budget and Management (DBM), Anti-Terrorism Council (ATC), National Anti-Poverty Commission (NAPC) at iba pang katuwang na institusyon.
Naging sentro ng talakayan ang pagsusulong ng isang edukasyong nakaugat sa kultura, pananampalataya, at pangangailangan ng mga Muslim Filipino.

Layunin ng pagpupulong na maging plataporma ng pagkakaisa, konsultasyon, at pagbabahagi ng karanasan at pananaw upang masiguro ang mas inklusibo at de-kalidad na edukasyon para sa kabataan. Tinalakay dito ang mga polisiya, hamon, at oportunidad para sa pagpapatibay ng Madrasah Education System sa bansa.

Nagbahagi rin ng mahahalagang pananaw at mungkahi ang mga kinatawan mula sa NCMF Northern Mindanao, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor upang mapatatag ang sistemang pang-edukasyon.

Ang pagpupulong ay itinuring na isang mahalagang hakbang sa patuloy na paghubog ng kabataang Muslim Filipino na may matatag na pagkakakilanlan, mataas na antas ng kaalaman, at handang makibahagi sa pag-unlad ng bansa. (Norhainie S. Saliao, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post 11 Panukalang Kabataan sa Bangsa Youth Parliament Academy, Sinang-ayunan ng mga Lider-Kabataan mula sa BARMM