
MAFAR Pinaigting ang Pagpapaunlad ng Halal Indusrtry, Nagsagawa ng Benchmarking sa UAE

COTABATO CITY (Ika-18 ng Setyembre, 2025) — Sa layuning palakasin ang sektor ng halal sa rehiyon ng Bangsamoro, nagsagawa ng benchmarking activity ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) katuwang ang Prime Group, isang internasyonal na halal certifying body, sa punong tanggapan nito sa Dubai, United Arab Emirates, noong Setyembre 4–9, 2025.
Pinangunahan ni MAFAR Minister Abunawas L. Maslamama ang delegasyon, kasama ang mga miyembro ng Halal Technical Working Group (TWG). Ang aktibidad ay naglalayong makakuha ng mga bagong kaalaman, teknolohiya, at mekanismo para sa mas epektibong pagpapaunlad ng halal food industry sa rehiyon, partikular sa aspeto ng sertipikasyon at internasyonal na akses sa merkado.
Ang Prime Group, sa pamumuno ng Group CEO Dr. Mary Jane Alvero-Al Mahdi, ang nag-iisang halal certifier sa Pilipinas na akreditado ng Department of Trade and Industry–Philippine Accreditation Bureau (DTI-PAB) para sa international market access.
Kabilang sa mga aktibidad ng benchmarking ang pagpapakilala sa mga produkto at serbisyo ng Prime Group, pagbisita sa kanilang mga laboratoryo, at talakayan ukol sa best practices at mga posibilidad ng long-term collaboration na nakatuon sa sustainability at patuloy na inobasyon ng halal sector sa Bangsamoro.
Bukod sa Prime Group, nakipagpulong din ang MAFAR delegation sa mga kinatawan ng Philippine Business Council of Dubai and Northern Emirates, kung saan tinalakay ang mga posibleng oportunidad para sa mga magsasaka at mangingisda sa BARMM sa pamamagitan ng pagdadala ng dekalidad na halal products sa pandaigdigang merkado, lalo na sa UAE.
Noong Setyembre 8, bumisita rin ang delegasyon sa Embassy of the Republic of the Philippines sa Abu Dhabi, kung saan sila ay mainit na tinanggap ni Consul Regatta Antonio-Escutin, sa ngalan ni Ambassador H.E. Alfonso Ferdinand A. Ver. Ipinahayag ng grupo ang kanilang pasasalamat sa embahada sa patuloy na suporta sa pagsulong ng internasyonal na pakikipag-ugnayan ng BARMM para sa sustainable agriculture and fisheries.
Sa kanilang courtesy visit sa Philippine Consulate General (PCG) sa Dubai, nakipagpulong din ang delegasyon kina Consul General Marford Angeles, Vice Consul Jim Jimeno, at iba pang opisyal upang palakasin ang kooperasyon at pagbabahagi ng kaalaman para sa mas pinaigting na programa sa agrikultura at pangingisda.
Ang delegasyon ng MAFAR ay binubuo ng mga sumusunod: Fahmia Noska, Chief of Staff; Dr. Tong D. Pinguiaman, Chairperson, Halal TWG / Director II; Dr. Macmod Mamalangkap, Vice-Chairperson / Director II, Fisheries Services; Dr. Ronjamin Maulana, Provincial Director, MAFAR Maguindanao; Amador Tandalong, Chief, PPMED; Pendatun Mambatawan, CARPO; Engr. Saidona Lawan, Chief, Halal Section; Datu Hamsur J. Zaid, Chief Agriculturist, AMAD; at Sophia Zacaria, ARPO.
Patuloy ang MAFAR sa pagbuo ng mga programa’t inisyatiba na magpapalawak sa oportunidad ng halal industry sa Bangsamoro bilang bahagi ng pangmatagalang layunin ng rehiyon sa inklusive at sustainable na pag-unlad. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)