Ugnayan ng JICA-Philippines at BARMM Government, Lalong Pinaigting sa Pagbisita ni Mr. Takashi

Mr. Baba Takashi, Chief Representative ng JICA-Philippines, sa pakikipagpulong nito kay BARMM Chief Minister Abdulraof A. Macacua. (Larawan mula sa Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua FB)

COTABATO CITY (Ika-17 ng Setyembre, 2025) – Lalong inaasahang lalalim ang ugnayan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kasunod ng naging courtesy visit ni Mr. Baba Takashi, Chief Representative ng JICA-Philippines kay BARMM Chief Minister Abdulraof A. Macacua nitong Martes, Setyembre 16.

Sa kanilang pagpupulong, binigyang-diin ng dalawang lider ang kahalagahan ng moral governance at tunay na pagtutulungan bilang pundasyon ng mas matatag at inklusibong pag-unlad para sa rehiyon ng Bangsamoro.

Ang naturang partnership ay inaasahang maghatid ng sustainable development, peace dividends, at kolektibong kasaganaan para sa mga komunidad ng Bangsamoro.

Pinagtuunan ng pag-uusap ang pagpapalakas ng mga kasalukuyang proyekto at inisyatibo, gayundin ang pagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa kabuhayan, edukasyon, imprastraktura, at iba pang sektor na mahalaga sa pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad.

Ayon kay Chief Minister Macacua, “Ang patuloy na suporta ng JICA ay isang patunay ng kanilang tunay na malasakit sa Bangsamoro. Sa tulong nila, mas mapapalalim pa natin ang ating adbokasiya para sa moral governance at inklusibong kaunlaran.”

Bilang tugon, muling tiniyak ni Mr. Takashi ang patuloy na suporta ng JICA sa mga programa ng BARMM, kalakip ang hangarin na magsilbing katuwang sa pagbuo ng mas maliwanag na kinabukasan para sa mga mamamayang Bangsamoro.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Maguindanao del Sur, Inilunsad ang GIVE H.E.A.R.T Program sa Pagdiriwang ng Ika-3 Anibersayo