Pagpapaunlad ng Turismo at Kultura, Tampok sa BARMM Tourism Summit 2025

(Larawan mula sa Bangsamoro Government/BIO)

COTABATO CITY (Ika-17 ng Setyembre, 2025) — Idinaos mula Setyembre 16 hanggang 18 ang BARMM Tourism Summit 2025 sa KCC Convention Center, Cotabato City. Ang tatlong araw na pagtitipon ay naglalayong itaguyod ang kultural na pamana at isulong ang pagpapaunlad ng turismo sa loob ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa panayam kay Engr. Marites Maguindra, Director ng MTIT Bureau of Tourism, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng summit bilang isang plataporma para sa inklusibo at napapanatiling pag-unlad ng turismo sa rehiyon.

“Ang kaganapang ito ay naglalayong ipakita ang yaman ng ating kultura, mga tradisyon, at likas na kagandahan, habang sinusuportahan ang mga hakbang para sa sustainable development,” pahayag ni Maguindra.

Tampok sa summit ang mga diskusyon at presentasyon ukol sa mga makabagong estratehiya sa turismo, mga proyektong pangkultura, at mga oportunidad para sa pakikipagtulungan sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan, komunidad, at mga pribadong sektor.

Inaasahan ang pagdalo ng mga lokal at pambansang opisyal, mga eksperto sa turismo, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor upang bumuo ng mga konkretong hakbang para sa pagpapalakas ng industriya ng turismo sa BARMM.

Ang BARMM Tourism Summit 2025 ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapalago ng ekonomiya ng rehiyon, habang pinangangalagaan at pinauunlad ang kultura at kalikasan. Isa rin itong oportunidad para sa mga mamamayan ng rehiyon upang makinabang sa mga programang pangkabuhayan na kaakibat ng turismo. (Hannan G. Ariman, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post LBO, Mariing Kinundena ang sinasabing “Illegal Raid” ng Militar sa Tanggapan ng MBHTE sa BARMM
Next post MENRE at CSC, Nagkaisa sa Tree Planting sa Guindulungan, Maguindanao del Sur