
MENRE at CSC, Nagkaisa sa Tree Planting sa Guindulungan, Maguindanao del Sur

COTABATO CITY (Ika-17 ng Setyembre, 2025) — Nagkaisa ang Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy (MENRE) at ang Civil Service Commission (CSC), katuwang ang Local Government Unit (LGU) ng Guindulungan, sa pagtatanim ng mahigit 2,000 punla ng mga katutubong puno bilang bahagi ng pagdiriwang ng 125th Philippine Civil Service Anniversary (PCSA). Isinagawa ang aktibidad noong Setyembre 16 sa Barangay Kateman, Guindulungan, Maguindanao del Sur.
Ang mga punla ay mula sa Provincial ENRE Office ng Maguindanao del Sur sa pamumuno ni Acting PENRE Officer Datumama K. Makartur.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni MENRE Minister Akmad Brahim ang kahalagahan ng naturang aktibidad, lalo na sa konteksto ng patuloy na kinakaharap na mga sakuna sa rehiyon.
“Ang pagtatanim ng punla ay tulad ng paggawa ng polisiya, paghahatid ng mga programa, o pagtulong sa mga pamilya. Ang tunay na halaga nito ay mararamdaman hindi ngayon, kundi sa mga darating na taon. Nawa’y maging malalim ang ugat ng ating serbisyo publiko, tulad ng mga punlang ito,” ayon kay Minister Brahim.
Samantala, sinabi ni CSC–BARMM Regional Director Lida C. Ayon na ang tree planting ay hindi lamang simpleng bahagi ng selebrasyon ng civil service, kundi isang konkretong pagkilos para sa kalikasan.
“Higit pa sa pagdiriwang ng Philippine Civil Service Anniversary, ito ay paraan natin ng pagbibigay pabalik sa kalikasan at sa lahat ng biyayang hatid nito,” ani Ayon.
Nakibahagi sa aktibidad ang mga kawani mula sa iba’t ibang tanggapan ng Bangsamoro Government, gayundin ang mga kinatawan mula sa LGU ng Talayan, Datu Hoffer, Datu Anggal Midtimbang, at Datu Saudi Ampatuan.
Bilang dagdag na suporta para sa mas malinis na kapaligiran, nag-turnover din ang MENRE ng 15 trash bins sa bayan ng Guindulungan para sa mas maayos na waste management.
Lubos ang pasasalamat ni Mayor Datu Guiadzali M. Midtimbang sa pagpili sa kanilang bayan bilang sentro ng tree planting activity.
“Ito po ay napakalaking bagay para sa aming bayan, lalo’t isa kami sa mga madalas makaranas ng epekto ng climate change. Dito sa Guindulungan, konting ulan lang po ay binabaha na ang ilang barangay,” ani Mayor Midtimbang.
Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng BARMM para sa pangangalaga ng kalikasan, resilience laban sa climate change, at pagsusulong ng responsableng pamamahala sa kapaligiran. (Noron M. Rajabuyan, BMN/BangsamoroToday)