
UBJP, Dinagsa ng Libu-libong Tagasuporta sa Campaign Rally sa Pikit, SGA

COTABATO CITY (Setyembre 13, 2025) — Libu-libong tagasuporta ang dumalo sa campaign rally ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) sa Pikit Gymnasium, Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Pinangunahan ito ni Al Haj Murad Ebrahim, Chairman ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Presidente ng UBJP. Muling nanawagan si Ebrahim sa mga mamamayan na suportahan ang UBJP sa darating na halalan sa Oktubre 13, 2025, kung saan gaganapin ang unang regular na eleksyon para sa Bangsamoro Parliament.
Ayon kay Ebrahim, mahalaga ang pagkakaisa at boto ng publiko upang makamit ang matagumpay at makatarungang halalan.
“Mamikal tanu, botuan tanu so partido tano endo makakuwa sa madakel a boto, in shaa Allah makatarus election tano sa October 13, 2025. na in shaa Allah makataban tanu,” ani Ebrahim sa harap ng libu-libong tagasuporta.
Dagdag pa niya, “Tatabanga tanu dekena matag inya election ka nakapilapulo lagon kinandurumasayan.”
Sinabi naman ni Mohagher Iqbal, senior MILF leader at BARMM official, na patuloy ang negosasyon para sa kapayapaan at binalaan ang publiko na posibleng mawala ang awtonomiya ng rehiyon kung mawawala sa kanila ang BARMM leadership.
“Hanggang ngayon, nakikipag-negotiate pa rin tayo,” ani Iqbal. “Kailangan natin iboto ang UBJP. Kapag BARMM ang mawala sa kamay natin, unti-unting mawawala sa atin ang autonomy.”
Dumalo rin sa programa ang mga lokal na opisyal, lider-kabataan, at mga religious leaders bilang suporta sa layunin ng UBJP na isulong ang kapayapaan, kaunlaran, at awtonomiya sa Bangsamoro.
Ang UBJP ay ang itinuturing na political party ng MILF at kasalukuyang mayorya sa Bangsamoro Transition Authority (BTA).
Ang rally sa Pikit ay bahagi ng serye ng campaign activities ng UBJP sa iba’t ibang bahagi ng BARMM upang ipalaganap ang kanilang plataporma at hikayatin ang mamamayan na makibahagi sa halalan.
Sa darating na Oktubre 13, inaasahang magtatakda ng kasaysayan ang rehiyon sa pagsasagawa ng unang regular na halalan para sa Bangsamoro Parliament, isang mahalagang hakbang sa patuloy na pagpapatibay ng demokratikong pamahalaan sa BARMM. (Hannan G. Ariman at Mohamiden G. Solaiman, BMN/BangsamoroToday)