Mufti Guialani, Ibinida ang mga Tagumpay ng Bangsamoro Darul-Ifta sa Ikalawang State of the Ulama Address

(Larawan mula sa Bangsamoro Government FB Page)

COTABATO CITY (Ika-12 ng Setyembre, 2025) — Ibinahagi ni Bangsamoro Mufti Sheikh Abdulraof A. Guialani ang mga mahahalagang nagawa at inisyatiba ng Bangsamoro Darul-Ifta (BDI) sa kanyang ikalawang State of the Ulama Address (SOUA) na ginanap kahapon, Setyembre 11, sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex, Bangsamoro Government Center, dito sa lungsod ng Cotabato.

Dinaluhan ang taunang pagtitipon ng mga kilalang Ulama, Ustadzes, at iba’t ibang kinatawan mula sa sektor ng lipunan. Kabilang sa mga panauhing pandangal sina BARMM Chief Minister Abdulraof A. Macacua, Bangsamoro Transition Authority (BTA) Deputy Speaker Atty. Lanang Ali, Jr., at ilang miyembro ng Bangsamoro Parliament.

Sa kanyang ulat, binigyang-tuon ni Mufti Guialani ang mga programa at aktibidad na matagumpay na naisakatuparan ng Darul-Ifta, partikular ang patuloy na pagbibigay-linaw sa mga katanungan ng mga mamamayang Bangsamoro ukol sa pananampalataya, Shari’ah, at pamumuhay-Islamiko.

“Ang papel ng Ulama ay hindi lamang limitado sa pagpapaliwanag ng mga aralin sa relihiyon, kundi mahalaga rin ang kanilang gampanin sa pagbibigay ng moral na gabay at pagtutulak sa makabuluhang pagbabago sa lipunan,” ani Mufti Guialani.

Ang SOUA ay sabayang naipakita sa pamamagitan ng livestream sa opisyal na Facebook page ng Bangsamoro Darul-Ifta, na nagsilbing plataporma upang itampok ang papel ng Ulama bilang tagapagtaguyod ng kapayapaan at tagapangalaga ng mga espirituwal at kultural na haligi ng Bangsamoro.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, nanawagan si Mufti Guialani ng patuloy na pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng sektor ng Ulama upang mas mapalakas ang pundasyong moral at kultural ng Bangsamoro region. (BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post The Raid on MBHTE was a Raid on Bangsamoro Autonomy — Atty. Montesa
Next post MBHTE-Pathways AKAP Bangsamoro Program Conducts Learning Site Study in BARMM