LBO, Nagpahayag ng Suporta sa Pamunuan ng MILF sa Pamumuno ni Al Haj Murad Ebrahim

(Larawan kuha ng BMN/BangsamoroToday)

CAMP DARAPANAN, MAGUINDANAO DEL NORTE (Ika-10 ng Setyembre, 2025) — Mainit na sinalubong ni Moro Islamic Liberation Front Central Committee (MILF-CC) Chairman at United Bangsamoro Justice Party (UBJP) President Al Haj Murad Ebrahim kasama sina Muhammad Ameen, Aida Silongan, Anwar Alamada ang mga kinatawan ng League of Bangsamoro Organizations (LBO) sa kanilang isinagawang courtesy visit sa MILF Central Headquarters sa Camp Darapanan kahapon, ika-9 ng Setyembre.

Ang LBO ay binubuo ng mahigit 600 iba’t ibang civil society organizations mula sa iba’t ibang panig ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nagtipon upang ipahayag ang kanilang kolektibong suporta sa pamunuan ng MILF.

Muling pinagtibay ng grupo ang kanilang pagtitiwala sa pamumuno ni Chairman Murad, lalo na sa patuloy nitong pagsusulong ng kapayapaan, katarungan, at karapatang magpasya para sa Bangsamoro.

Sa kanilang mensahe, tiniyak ng LBO, sa pamamagitan ng Pangulo nitong si Hashim B. Manticayan ang kanilang pakikiisa sa adhikain ng pamahalaan para sa moral governance at ang kanilang suporta sa pagpapatuloy at pangangalaga sa mga tagumpay ng usapang pangkapayapaan. Ayon sa grupo, ang pagkakaisa ang susi sa pagtatayo ng isang mas matatag, mas mapayapa, at mas maunlad na Bangsamoro.

Narito ang Pahayag ng Paninindigan ng League of Bangsamoro Organizations (LBO):

”1. Patuloy naming susuportahan ang MILF at ang pamunuan nito.
2. Ang lahat ng nilalaman ng Bay’ah (panunumpa ng katapatan) ay aming tutuparin nang may sinseridad at buong dedikasyon.
3. Ipinapangako naming kikilos kami nang buong pagsisikap upang suportahan ang layunin ng Bangsamoro.
4. Tinatanggap namin ang responsibilidad sa Jihad na ito — isang banal na pakikibaka para sa kapayapaan at katarungan.
5. Kami ay nakatuon sa pagpapanatili ng ating pagkakaisa, na hindi matitinag ng anumang panlabas na impluwensiya.
6. Ang aming paninindigan ay hindi magbabago, maliban sa kalooban ni Allah (Subhanahu wa Ta’ala).
7. Sakaling magtagumpay ang aming mga kinatawan sa Bangsamoro Transition Authority (BTA), buong puso naming susuportahan at itataguyod ang lahat ng panukalang batas at patakarang kaakibat ng pananaw at direksyon ng MILF.
8. Ipagpapatuloy namin ang pagsuporta sa proseso ng kapayapaan sa pamamagitan ng pakikilahok sa mga Peace Implementing Panels (PIP) at iba pang mekanismong nakapaloob sa balangkas ng peace process.
9. Nangako rin kami na ipagpapatuloy ang aming adbokasiya at mga kampanya ng pagpapalaganap ng kamalayan… ang kolektibong pakikibaka (struggle) ng sambayanang Bangsamoro.
10. Matatag na naninindigan ang League of Bangsamoro Organizations sa pagsunod sa Ameerul Mujahideen, ayon sa Qur’an:

“Ati’ullaha wa ati’ur-Rasul wa ulil-amri minkum.”
(Sundin ninyo si Allah, sundin ninyo ang Sugo, at ang mga namumuno sa inyo)
[Surah An-Nisa: 59]

11. Buong puso naming sinusuportahan ang tagumpay ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP), dahil naniniwala kami na ito ay isang mahalagang susi sa pagkamit ng kapayapaan sa loob ng ating hanay at isang sasakyan ng ating mga kolektibong adhikain.
12. Ang LBO ay nangangakong igagalang at isasapuso ang mga kautusan ng Ameer.
13. Ipinapangako naming paglilingkuran ang organisasyon at ang interes ng pakikibaka, higit sa pansariling interes.
14. Kami ay naninindigang manatiling matatag, disiplinado, at tapat sa aming mga tungkulin — sa lahat ng oras.

Sa pagkakaisa, pananampalataya, at pakikibaka — sama-sama tayong uusad para sa Bangsamoro.”

Ang nasabing pagbisita ay isa sa mga konkretong hakbangin ng mga organisasyong sibiko upang mas palalimin ang ugnayan sa pagitan ng lipunang sibil at ng pamunuan ng MILF sa gitna ng patuloy na paglalakbay ng Bangsamoro patungo sa ganap na kapayapaan at pag-unlad. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MP Antao, Dumalo sa Political Candidate Forum para sa Mapayapa at Patas na Halalan sa SGA-BARMM