
Solo Parents sa Sulu, Tumanggap ng Tulong-Pinansyal mula sa MSSD sa Ilalim ng DAKILA Program

COTABATO CITY (Ika-4 ng Setyembre, 2025) — Matagumpay na naipamahagi ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) – Pandami ang tulong-pinansyal para sa 41 solo parents sa bayan ng Pandami, Sulu sa ilalim ng DAKILA Program noong ika-27 ng Agosto.
Ang pamamahagi ng ayuda ay isinagawa sa munisipyo ng Pandami, habang ang ilang benepisyaryo na hindi personal na nakadalo ay binisita sa kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng house-to-house distribution.
Ayon sa MSSD ang bawat solo parent ay tumanggap ng halagang ₱6,000 bilang suporta para sa ikalawang semester ng taong 2024.
Ang DAKILA Program ay isa sa mga pangunahing programa ng MSSD na naglalayong magbigay ng mas malawak na suporta at proteksyon para sa mga solo parents sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Layunin ng programang ito na kilalanin at patatagin ang papel ng mga solo parent bilang pangunahing haligi ng kanilang pamilya.
Ang nasabing payout ay naisagawa bago ang ipinatupad na pansamantalang ban ng Commission on Elections (COMELEC) na nagsimula noong Agosto 28, 2025. Bilang pagsunod sa patakarang ito, pansamantalang itinigil ng MSSD ang pamamahagi ng anumang uri ng ayuda hanggang matapos ang election ban. (BMN/BangsamoroToday)