MSSD, Naglunsad ng Flood at WASH Assessment sa Sultan sa Barongis, Rajah Buayan, at Pandag, MDS

(Litrato mula sa MSSD-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-4 ng Setyembre, 2025) — Sa pangunguna ng Disaster Response and Management Division (DRMD), katuwang ang mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nagsagawa ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng malawakang Flood at Water, Sanitation, and Hygiene (WASH) Assessment sa mga munisipalidad ng Sultan sa Barongis, Rajah Buayan, at Pandag, Maguindanao del Sur mula Setyembre 2 hanggang 4.

Layunin ng aktibidad na matukoy ang lawak ng pinsala dulot ng kamakailang pagbaha at matiyak na maibibigay agad ang mga nararapat na tulong sa mga pinaka-apektadong pamilya.

Ayon sa datos ng MSSD, tinatayang 6,804 kabahayan ang naapektuhan: 1,675 kabahayan sa Rajah Buayan, kung saan matinding naapektuhan ang Barangay Sapakan; 3,151 kabahayan sa Sultan sa Barongis, partikular sa mga barangay ng Darampua, Langgapanan, at Papakan; 1,978 kabahayan sa Pandag, kung saan pinakamalubhang tinamaan ang Barangay Lower Malangit.

Sa panayam, sinabi ng MSSD na kaagad silang nakipagpulong sa mga lokal na opisyal upang talakayin ang mga posibleng interbensyon at tulong para sa mga pamilyang nasalanta. Ang DRMD team ay nakipag-ugnayan din sa Provincial MDRRMO upang patatagin ang koordinasyon at mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa mga apektadong komunidad.

Ang isinagawang assessment ay bahagi ng proactive at agarang pagtugon ng MSSD sa mga sakuna, bilang pagpapakita ng kanilang dedikasyon sa pagbibigay-proteksyon at suporta sa mga komunidad sa panahon ng kalamidad. (Noron M. Rajabuyan, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Bangsamoro Parliament, Nagpatibay ng Dalawang Resolusyon ukol sa Bangsamoro Hymn at Proteksyon sa mga Bata
Next post 1,000 Punla, Itinanim sa Tree Growing at Adopt-A-Tree Activity ng MENRE sa South Ubian