MP Benito, Naglaan ng Milyong Pondo sa Ospital para sa mga Mahihirap na Pasyente

(Office of MP Abdulbasit R. Benito FB)

COTABATO CITY (Ika-4 ng Setyembre, 2025) – Bilang bahagi ng pagtutok sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa rehiyon ng Bangsamoro, naglaan ng pondo si Member of Parliament (MP) Abdulbasit R. Benito para sa ilang ospital upang matiyak na ang mga mahihirap na pasyente ay makatatanggap ng kinakailangang medikal na tulong nang hindi iniintindi ang gastos.

Ang inisyatibong ito ay bahagi ng Bangsamoro Health Outreach Program for Everyone (BHOPE) ni ICM Abdulraof A. Macacua, na ipinatutupad sa ilalim ng Ministry of Health sa pamumuno ni Minister Kadil Jojo Sinolindeng Jr. Layunin ng programa na suportahan ang mga ospital na nagbibigay-serbisyo sa mga pamilyang salat sa buhay upang magkaroon sila ng access sa serbisyong pangkalusugan na walang mabigat na pasaning pinansyal.

Sa unang bahagi ng implementasyon, naglabas na ng halagang ₱1.5 milyon na inilaan sa Cotabato Regional Medical Center (CRMC), Bangsamoro Doctor’s Hospital sa Cotabato City, at Deseret Hospital sa Kabacan, North Cotabato. Ang mga ospital na ito ang magsisilbing katuwang sa pagbibigay ng agarang lunas at serbisyong medikal sa mga benepisyaryo.

Ang pormal na turnover ng pondo ay pinangunahan ni Yusoph S. Lumambas, Chief of Staff ng opisina ni MP Benito. Ang paunang halagang ito ay bahagi ng kabuuang ₱3.5 milyon na inilaang pondo, kung saan ang natitirang ₱2 milyon ay nakatakdang ibigay matapos ang regional elections sa Oktubre 13. Layunin ng phased approach na ito na matiyak ang tuloy-tuloy at maayos na pagpapatupad ng tulong medikal sa mga katuwang na ospital.

Sa kaniyang mensahe, ipinaabot ni MP Benito ang taos-pusong pasasalamat kay Chief Minister Macacua sa pagbibigay ng pagkakataong mamahagi ng tulong medikal para sa mga mahihirap.

Ang inisyatibong ito ay nagpapakita hindi lamang ng institusyonal na malasakit ng Pamahalaang Bangsamoro kundi pati na rin ng personal na empatiya ni MP Benito sa mga mamamayang salat sa serbisyong medikal. Sa pagbibigay ng pondo sa mga ospital, layunin ng programa na mabawasan ang pasanin ng mga mahihirap at matiyak ang patas na access sa pangangalagang pangkalusugan.

Malugod namang tinanggap ng mga miyembro ng komunidad ang programa, bilang patunay ng pagtugon ng pamahalaan at dedikasyon ni MP Benito sa paglilingkod. Inaasahang makikinabang ang maraming pasyente mula sa Cotabato City at North Cotabato, alinsunod sa layunin ng BHOPE na maghatid ng malasakit, pagkalinga, at inklusibong pamamahala para sa lahat. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Bangsamoro Parliament, Inaprubahan ang 5 Panukalang Batas Para sa Pagpapalakas ng Serbisyong Pangkalusugan