
MAFAR-BARMM, Namahagi ng Libreng Binhi ng Palay sa Bayan ng Mamasapano, MDS

COTABATO CITY (Ika-4 ng Setyembre, 2025) — Matagumpay na naipamahagi ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR-BARMM) ang mga libreng binhi ng palay sa mga magsasaka ng bayan ng Mamasapano, Maguindanao del Sur noong ika-3 ng Agosto, sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Program.
Ang programang ito ay naglalayong mapataas ang antas ng ani at kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta tulad ng libreng pataba, mga kagamitang pansaka, at binhi ng palay na makatutulong sa pagpapadali at pagpapabuti ng kanilang pagsasaka.
Ayon kay Modrika A. Masukat, Ph.D., Municipal Officer ng MAFAR sa Mamasapano, 950 sako ng binhi ng palay ang naipamahagi sa 535 benepisyaryo ng naturang programa.
“Malaki ang ambag ng RCEF Program hindi lamang sa pagpapabuti ng kabuhayan ng ating mga magsasaka, kundi maging sa pag-unlad ng ekonomiya ng rehiyon,” ani Dr. Masukat.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Hon. Datu Akmad Ampatuan Jr. na isa ang kanilang bayan sa mga nangungunang munisipalidad sa produksyon ng bigas sa BARMM, bunga ng mga programang ipinapatupad ng MAFAR-BARMM.
“Lubos ang aming pasasalamat sa MAFAR. Ang tulong na ito ay hindi lamang para sa mga magsasaka kundi para rin sa mas matatag na lokal na ekonomiya, lalo’t ang bigas ay pangunahing pangangailangan sa merkado,” dagdag pa ng alkalde.
Inaabangan din ang mga susunod na programa ng MAFAR-BARMM para sa mga Bangsamorong magsasaka, hindi lamang sa Mamasapano kundi sa iba pang mga bayan sa rehiyon.
Samantala, bilang bahagi rin ng patuloy na pagsuporta sa sektor ng agrikultura at pangisdaan, nagsagawa ang MAFAR-BARMM ng Capacity Building for the Implementation of Fishpond Lease Agreement (FLA) noong Setyembre 1–2, 2025 sa Cren Cuisine, Cotabato City.
Dumalo sa aktibidad ang 25 MAFAR Municipal Officers (MMO) mula sa mga bayan ng Matanog, Parang, Sultan Mastura, Sultan Kudarat, Datu Blah Sinsuat, at Datu Odin Sinsuat.
Layunin ng pagsasanay na: Mapalawak ang kaalaman ng mga kalahok hinggil sa tamang pagpapatupad ng Fishpond Lease Agreement (FLA); Mapalakas ang regulasyon sa pangingisda; at Maisulong ang pangangalaga sa kalikasan sa mga baybaying nasasakupan ng BARMM.
Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na inisyatibo ng MAFAR-BARMM na maghatid ng sustenable at inklusibong serbisyong pangkabuhayan para sa mga Bangsamoro. (Norhainie S. Saliao, BMN/BangsamoroToday)