Knowledge Caravan, Idinaos sa Zamboanga City; MSSD at mga Institusyong Pang-akademya, Magkakatuwang sa Research-based Programs

(Litrato mula sa MSSD-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-3 ng Setyembre, 2025) — Matagumpay na naisagawa ang panghuling leg ng Knowledge Caravan ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa lungsod ng Zamboanga, kung saan muling pinagtibay ang ugnayan ng Bangsamoro Government at mga akademikong institusyon na nakatuon sa social development sa South Western Mindanao.

Dumalo sa aktibidad ang walo (8) sa mga pangunahing social development institutions mula sa mga lalawigan ng Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi. Kabilang sa mga ito ang: Philippine Association of Social Workers, Inc. (PASWI), Basilan State College, Hardam Furigay College Inc., Mindanao Autonomous College Foundation Inc., Universal College Foundation of Southeast Asia and the Pacific Inc., Madrasatuz Zehra School of Religious and Modern Sciences, Inc., Tawi-Tawi Regional Agricultural College, Claret College of Isabela, Inc.

Layunin ng Knowledge Caravan na palalimin ang kolaborasyon sa pagitan ng akademya at MSSD, upang mas mapaigting ang mga research-based na programa at mas epektibong matugunan ang mga isyu sa social development sa Bangsamoro region.

Ayon kay Heidi Faith Cruz, Tagapangulo ng Social Work Department ng Basilan State College, “Kami ay 100% na nakatuon sa pagtutulungan at pagsasanib-puwersa, sabik na makipagtulungan sa MSSD upang masiguro na ang aming pagtutulungan ay magdadala ng makabuluhang resulta para sa aming mga estudyante, aming mga komunidad, at sa buong rehiyong Bangsamoro.”

Samantala, binigyang-diin ni MSSD Director General Atty. Mohammad Muktadir Ahmad Estrella ang mahalagang papel ng research sa pagbubuo ng mga programang tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan, “Napakasaya na mayroon na tayong plataporma kung saan maaari nating sabay-sabay ibahagi at pagyamanin ang gawaing research, isang plataporma na nagpapahintulot sa atin na mas maunawaan ang tunay na kalagayan at karanasan ng ating mga mamamayan.”

Sa pagtatapos ng Knowledge Caravan, umaasa ang MSSD at mga kaagapay nitong institusyon na mas marami pang makabuluhang inisyatibo ang maisusulong sa pamamagitan ng pananaliksik, partisipasyon, at pagbabahaginan ng kaalaman sa rehiyon. (BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post 2,205 TVET Scholars, Nagtapos at Tumanggap ng Cash Allowance mula sa MBHTE-TESD
Next post Bangsamoro Parliament, Inaprubahan ang 5 Panukalang Batas Para sa Pagpapalakas ng Serbisyong Pangkalusugan