
Bangsamoro Parliament, Inaprubahan ang 5 Panukalang Batas Para sa Pagpapalakas ng Serbisyong Pangkalusugan

COTABATO CITY (Ika-3 ng Setyembre, 2025)— Sa layuning patatagin ang sistemang pangkalusugan sa rehiyon ng Bangsamoro, inaprubahan ng Health Committee ng Bangsamoro Parliament ang limang panukalang batas na may kinalaman sa kalusugan sa isinagawang pagdinig nitong Miyerkules ng umaga, Setyembre 3.
Kabilang sa mga inaprubahang panukala ang mga panukalang batas para sa: Pagkakaroon ng dialysis units sa lahat ng ospital sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na magbibigay ng libreng serbisyo para sa mga mahihirap na pasyente; Pagtatatag ng isang dialysis center sa Cotabato Sanitarium and General Hospital; Pagkakaroon ng bagong ospital sa bayan ng Languyan, Tawi-Tawi; at Pagpapatayo ng ospital sa Bongo Island, Parang, Maguindanao del Norte.
Ayon kay Member of Parliament Hashemi Dilangalen, na siya ring Chairperson ng Committee on Health, ang mabilis na pagkilos ng komite ay sumasalamin sa hangarin ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) na mas mapabuti ang access sa serbisyong medikal para sa mga Bangsamoro.
Sa nasabing pagdinig, inaprubahan rin ng komite ang isang resolusyong humihikayat sa Office of the Chief Minister na bumuo ng isang task force na tutugon sa kakulangan ng suplay ng malinis na tubig sa mga liblib at hindi sapat na napaglilingkurang komunidad sa rehiyon.
Layunin ng task force na: Suriin ang kasalukuyang imprastraktura ng tubig, Tukuyin ang mga prayoridad na lugar, at Bumuo ng mga pangmatagalang solusyon para sa problema sa tubig.
Samantala, magtatatag rin ang komite ng isang Technical Working Group (TWG) na siyang magpapag-isa sa dalawang panukalang batas na tumutok sa kapakanan ng mga batang may autism at iba pang neurodevelopmental disorders.
Hiniling din ng komite sa Ministry of Health na ipresenta ang kanilang hospital framework plan upang magsilbing gabay sa mga mambabatas sa pagtukoy ng mga lokasyon ng itatayong ospital at ang mga dahilan ng mga planong upgrade.
Nakatakdang magsagawa muli ng pagdinig ang komite sa susunod na araw upang talakayin ang iba pang panukalang batas na may kinalaman sa kalusugan. (BMN/BangsamoroToday)