
2,205 TVET Scholars, Nagtapos at Tumanggap ng Cash Allowance mula sa MBHTE-TESD

COTABATO CITY (Ika-3 ng Setyembre, 2025) — Umabot sa kabuuang 2,205 iskolar ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education–Technical Education and Skills Development (MBHTE-TESD) ang matagumpay na nagtapos sa kanilang mga kurso sa Technical and Vocational Education and Training (TVET) at tumanggap ng cash allowance sa isinagawang mass graduation noong Linggo, Agosto 31, sa lungsod na ito.
Pinangunahan nina MBHTE Minister Mohagher Iqbal, TESD Director General Ruby Andong, at TESD Maguindanao Provincial Director Engr. Salehk Mangelen ang paggawad ng National Competency Certificates at allowance na nagkakahalaga mula ₱3,000 hanggang ₱12,000.
Sa kabuuang bilang ng mga nagtapos, 1,493 ay mula sa Maguindanao del Norte, 430 mula sa Maguindanao del Sur, at 282 mula sa Special Geographic Area (SGA).
Natapos ng mga iskolar ang iba’t ibang kurso sa larangan ng agrikultura, produksyon ng pagkain, teknikal na kasanayan, at mga serbisyong pangkabuhayan tulad ng crop at animal production, bread and pastry production, cookery, dressmaking, computer servicing, electrical at plumbing works, at heavy equipment operation—lahat ng ito ay bahagi ng paghahanda nila para sa trabaho at pagnenegosyo.
Binigyang-diin ni Minister Iqbal na mula nang maitatag ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong 2019, mahigit 145,513 iskolar na ang nabigyan ng kaalaman at kasanayan sa ilalim ng mga programa ng TESD.
“If you are among the trainees, find your way to implement what you have learned and studied, (Kung isa ka sa mga trainee, hanapin mo ang paraan upang maisabuhay ang iyong natutunan at pinag-aralan),” ani Iqbal sa kanyang mensahe sa mga nagtapos.
Ipinaalala rin niya na ang tagumpay ng mga iskolar ay bunga ng pakikibaka ng Bangsamoro, gaya ng sinasaad sa liriko ng BARMM hymn na “bunga ng pawis, dugo at buhay”—isang pagpupugay sa mga sakripisyo ng mga Mujahideen para sa sariling pagpapasya.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Ahmad Ronnel Kamino, 50 taong gulang at nagtapos sa kursong Bread and Pastry Production mula sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
“Through this program, we learned to make different baked goods—the Bangsamoro now know more than just how to make pandesal, as we are also learning to make macarons and other products, (Sa pamamagitan ng programang ito, natuto kaming gumawa ng iba’t ibang baked goods—hindi na lang pandesal ang alam ng mga Bangsamoro, kundi pati na rin macarons at iba pa),” ani Kamino.
“Let’s prove that the Bangsamoro is now not only nationally competitive but also internationally competitive, )Ipakita natin na ang Bangsamoro ay hindi lang nationally competitive, kundi pati rin internationally competitive),” dagdag pa niya.
Samantala, inanunsyo ni Ministry of Labor and Employment (MOLE) Minister Muslimin Sema na mayroong 2,200 job vacancies ang kanilang tanggapan mula sa mga ka-partner na pribadong kumpanya. Hinihikayat niya ang mga nagtapos na magpasa ng aplikasyon sa Bangsamoro Job Portal.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina Ethel Abejero-Comendador mula sa tanggapan ni Senador Ronald Dela Rosa, Deputy Minister Rene Batitao ng Ministry of Indigenous Peoples’ Affairs (MIPA), TESD Scholarship focal person Khominie Abas, Mayor Duma Mascud ng Kadayangan (SGA), mga pangulo ng iba’t ibang technical-vocational institutions, at iba pang mga kaagapay. (BMN/BangsamoroToday)