
MBHTE-TESD Nagsagawa ng Bangsamoro Scholarship Program for TVET-2025 Mass Graduation Ceremony

COTABATO CITY (Ika-1 ng Setyembre, 2025) — Matagumpay na nagtapos ang mahigit 2,000 iskolar sa ilalim ng Bangsamoro Scholarship Program for Technical and Vocational Education and Training (TVET) ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education – Technical Education and Skills Development (MBHTE-TESD).
Idinaos ang Mass Graduation Ceremony para sa mga benepisyaryo ng nasabing programa noong Agosto 31, (Linggo) sa KCC Mall of Cotabato, Cotabato City.
Ang seremonya ay dinaluhan ng kabuuang 2,205 benepisyaryo mula sa Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, at Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ang mga nagtapos ay sumailalim sa iba’t ibang pagsasanay sa kasanayan tulad ng Carpentry NC II, Masonry NC II, Grains Production NC II, Dressmaking NC II, at iba pa.
Bilang pagkilala sa kanilang pagsusumikap, bawat trainee ay tumanggap ng sertipiko o National Certificate II (NC II), na magsisilbing patunay ng kanilang pagtatapos. Kalakip nito ang Training Support Fund mula sa Bangsamoro Scholarship Program for TVET.
Ang mga kasanayang natamo ng mga benepisyaryo ay bahagi ng mandato ng MBHTE na maghatid ng dekalidad na edukasyon at pagsasanay para sa mamamayang Bangsamoro—isang hakbang tungo sa mas maunlad na kabuhayan at mas matatag na kinabukasan. (Norhaine S. Saliao, BMN/BangsamoroToday)